Balita

Demolisyon sa Davao City, tusong isinagawa ng 200 maton sa kalagitnaan ng gabi

,

Sa kalagitnaan ng pagpapahinga ng mga residente, tusong lumusob noong Enero 29, alas-2 ng madaling araw, 200 maton at tauhan ng mangangamkam ng lupa na si Caroline Piñeda sa Dalat/Purok 47, San Roque, Bangkal, Davao City para isagawa ang demolisyon. Giniba at niransak ng mga maton ang 20 bahay sa naturang komunidad. Ang insidente ay bahagi ng serye ng demolisyon simula pa Disyembre 2024.

Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Davao ang pag-atake ng mga alipores ni Piñeda sa komunidad. “Pinatutunayan ng insidente ang brutalidad ng kampo ni Piñeda…gagawin nito ang lahat para takutin ang mamamayan at tanggalan sila ng karapatan sa paninirahan,” ayon sa grupo.

Sa ulat pa ng mga residente, ninakaw ng mga tauhan ni Piñeda ang kanilang personal na mga gamit kabilang ang mga selpon, laptop, kasangkapan sa bahay at iba pa. Dumating umano sa lugar ang mga pulis pagka-alas-3 ng madaling araw kung saan “nahuli” ng mga ito ang 74 sa mga alipores ni Piñeda.

Anang Kadamay-Davao, labis na troma ang idinulot ng brutal na krimen sa mga residente laluna sa kababaihan at mga bata. Matatandaang nilusob rin ng may 100 maton ang komunidad noong Disyembre 21, 2024 para isagawa ang demolisyon. Sinundan ito ng serye ng demolisyon noong Enero 8 at Enero 11.

“Ang insidenteng ito ay hindi usapin ng kung sino ang nagmamay-ari ng lupain kundi usapin ng paglabag sa karapatang pantao at karapatan sa paninirahan ng mga maralita,” ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Makabayan. Dagdag pa niya, “sa lahat ng pangyayaring ito, nasan ang Mayor ng Davao City?”

Si Sebastian Duterte ang meyor ng syudad. Ayon pa kay Doringo, tila bahag ang buntot ng mga Duterte sa ganitong mga insidente at hindi man lang maipagtanggol ang kanilang mga kababayan. Itinutulak ng Kadamay-Davao ang lokal na gubyerno na imbestigahan ang pag-atake at pangangamkam ng lupa.

AB: Demolisyon sa Davao City, tusong isinagawa ng 200 maton sa kalagitnaan ng gabi