Demolisyon sa North Caloocan, tinututulan ng mga residente
Muling nahaharap ang komunidad ng Pangarap Village sa North Caloocan sa marahas na demolisyon noong Mayo 8 nang iligal na tambakan ng lupa gamit ang bulldozer ang ilang kabahayan sa lugar.
Tinambakan ng lupa ng mga tauhan ng Carmel Development Inc. (CDI) at mga bayarang goons at gwardya sa pangunguna ng isang Al Alcantara ang tapat ng mga kabahayan sa Kamagong St., Banaba St. at Alibangbang St. sa loob ng Pangarap Village. Plano ng mga tauhan na pahirapan ang mga residente sa paglabas at pagpasok sa kanilang mga tirahan.
Noong nakaraang mga araw, dalawang bahay ang sapilitang dinemolis ng mga gwardya kahit na may mga tao sa loob nito. Noong huling linggo ng Abril, dalawang beses nasunog ang bahagi na may maraming talahib malapit sa kabahayan. Hinala ng mga residente, sinadya itong sinunog upang madamay ang mga bahay na nasa Apitong St.
Mahigit 40 taon nang ipinaglalaban ng mga residente ng Pangarap Village ang kanilang karapatan sa paninirahan.
Ang CDI ay kumpanyang pagmamay-ari ni Gregorio Araneta III. Inaangkin ni Araneta (bayaw ni Ferdinand Marcos Jr.) ang nasa 156 ektaryang lupain sa Pangarap Village. Saklaw ng eryang ito ang Barangay 181 at 182 ng Caloocan City kung saan may humigit-kumulang 40,000 residente. Ilang dekada na silang nakararanas ng samut-saring pangigipit, pananakot, at demolisyon mula sa CDI. Kabilang sa mga taktika ng pamilyang Araneta ang pagputol sa kuryente, tubig at araw-gabing pagbabantay ng mga gwardya nito sa mga residente.
Daumagdag pa sa takot ng mga residente ang pag-deploy ng 12th Civil Military Operation Kapatiran Battalion noong nakaraang taon sa loob mismo ng komunidad. Ang batalyon ay talamak sa paglabag sa karapatang tao at pangrered-tag sa mag residenteng nakikipaglaban para sa kanilang karapatan sa paninirahan.
Panawgan ng mga residente ng Pangarap Village sa mga kapwa maralita at ibang sektor, makiisa at suportahan ang kanilang laban, kundenahin ang ginagawang pandarahas at paghahasik ng terorismo ng CDI, AFP at NTF-Elcac.