Dinampot na organisador ng magsasaka sa Camarines Norte, itinatago ng militar
Nagtungo ang isang Quick Response Team (QRT) ng Karapatan-Bicol sa Labo, Camarines Norte noong Setyembre 6 para kaagad na imbestigahan ang naiulat na pagreyd ng militar sa bahay ng isang magsasaka at pagdakip sa organisdor ng magsasaka na si Faye Tallow. Ang biktima ay dinakip sa Barangay Malibago noong Setyembre 4.
Sa ulat ng tim, nakumpirma nila mula sa lokal na pamahalaan ng Labo na mga sundalo mula sa 16th IB ang nagreyd sa bahay at dumakip kay Tallow. Nalaman din nila na higit 24 oras idinetine si Tallow sa kampo militar at walang malinaw na koordinasyon ang batalyon sa lokal na gubyerno sa isinagawang operasyon.
“Ayon sa testimonya ng mga saksi, walang ipinakitang warrant of arrest ang 16th IB. Sabi pa ng kasama ng mga sundalo na isang ‘surenderi’ hindi na raw ito kailangan dahil kasamahan namam niya ito dati,” pahayag ng Karapatan-Bicol.
Kasunod nito, nalaman ng grupo na nailipat na umano ng mga sundalo sa istasyon ng pulis sa Lopez, Quezon si Tallow. Ayon sa 201st IBde, si Tallow, na tinukoy nitong alyas “Ka Nadia” sa bisa ng pahayag ng mga “dating rebelde,” ay imbwelto sa kasong tangkang pagpatay sa Lopez. Kaugnay ito ng akusasyon na si Tallow ay myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Sa pakikipagtulungan ng Karapatan-Bicol sa Tanggol Quezon, nadiskubre nilang wala si Tallow sa Lopez Municipal Police Station (MPS). Nalaman lamang nila na nagtungo sa istasyon ang mga pulis ng Labo, Camarines Norte, mga tauhan ng Special Action Force, Philippine Navy at ang notoryus na upisyal ng 201st IBde na si Sgt. Johnatan Vender. Sa paggigiit ng mga grupo, nakuha nila ang bagong impormasyon na inilipat si Tallow sa Gumaca MPS.
“Malinaw ang ganitong taktika ng AFP at PNP na itago ang kinaroonan ni Tallow upang pigilan siyang makausap ang kaniyang mga paralegal at mabigyan ng karapatan niya para sa serbisyong legal,” pahayag ng Karapatan-Bicol.
Sa huling pabatid ng Tanggol Quezon, tumatanggi ang mga upisyal ng Gumaca MPS na harapin ang grupo at sagutin ang kanilang mga katanungan. Tanging mga tauhan ng lokal na pulis ang kumakausap sa grupo pero tumatanggi rin itong pagtibayin ang dokumentong nagpapatunay na wala si Tallow sa kanilang kustodiya.
Panawagan ng Karapatan-Bicol at Tanggol Quezon na iharap si Tallow sa kanila laluna at nag-aalala sila para sa kanyang kaligtasan. Anila, tulad sa maraming pagkakataon sa nakaraan, ay tiyak na isinasailalim si Tallow sa matinding saywar at tortyur ng militar.
Mula nang naunang ipinabatid ng Karapatan-Bicol ang pagdampot ng 16th IB kay Tallow, kabi-kabila ang paglalabas ng pahayag ng mga grupo ng kabataan at konseho ng mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) para igiit ang paglitaw at pagpapalaya sa kanya.
Si Tallow ay dating estudyante ng College of Media and Communication (CMC, dating College of Mass Communication) sa UP-Diliman. Nagsilbi siyang tagapangulo ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights (STAND) UP-CMC.