DOTr, LTFRB, pinasasagot ng Korte Suprema sa petisyon ng mga tsuper

Inatasan noong Disyembre 28 ng Korte Suprema ang Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkomento sa petisyong inihain ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) kontra sa pagpapatupad ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVM).

Inihain ng Piston ang petisyon para sa certiorari at injunction noong Disyembre 20 na humihiling sa korte na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o atas para pigilan ang pagpapatupad ng PUVMP, laluna ang sapilitang konsolidasyon, habang dinidinig ang petisyon.

Walang inilabas na TRO ang korte, at sa halip ay pinagkokomento ang DOTr at LTFRB sa loob ng 10 araw. Ayon sa Korte, dapat “personal na maghain” ng komento ang mga kinatawan ng ahensya.

Sa araw ding iyon, naghain ng karagdagang mosyon ang Piston, sa tulong ni Bayan Muna chairperson Atty. Neri Colmenares at mga abugado ng National Union of People’s Lawyers-National Capital Region. Inihain nila sa Korte Suprema ang tinatawag na “Extremely Urgent Motion” para kagyat at mabilisang tugunan ang kanilang petisyon at hiling na TRO.

Ayon sa mosyon, dapat kagyat na tugunan ng korte ang petisyon para “pigilan ang malubha at hindi mapananauling pinsala na pagdurusahan ng mga nagpetisyon, mga drayber at opereytor ng dyip, kanilang pamilya, mga komyuter at ang publiko sa pangkalahatan.”

Huling araw na sa Disyembre 31 ng pagpapatupad ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa. Ang mga tsuper at opereytor na hindi pumaloob o nagsumite ng papeles para dito ay hindi na papayagang makabyahe sa pagpasok ng 2024.

Tinatayang nasa 30,862 ng mga yunit ng dyip at 4,852 yunit ng UV Express ang hindi makapamamasada sa National Capital Region (NCR) dahil hindi ito nagkonsolida. Mawawalan ng kabuhayan ang halos 64,000 na mga tsuper at 25,000 na mga opereytor sa NCR. Gutom ang idudulot nito sa halos 20,000 pamilya sa buong NCR.

Sa buong bansa, nasa 64,639 yunit ng PUV ang hindi nagkonsolida at mawawalan ng trabaho ang may 140,000 tsuper at 60,000 opereytor. Maaapektuhan nito ang 28.5 milyong pasahero.

AB: DOTr, LTFRB, pinasasagot ng Korte Suprema sa petisyon ng mga tsuper