Balita

Babaeng Dumagat na kumander ng BHB-Laguna, pinarangalan

, ,

Ibinigay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Laguna (Cesar Batralo Command) ng pinakamataas na Pulang saludo kay Susan Ritual (Ka Gemma) na namartir sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28. Nasa kalagitnaan siya noon ng paggampan ng rebolusyonaryong gawain sa barangay nang paslangin ng berdugong 80th IB at 22nd DRC.

Sa loob ng higit dalawang dekada, inialay ni Ka Gemma ang kanyang panahon, talento at buhay para sa mga kapwa niyang Dumagat, masang magsasaka at aping mamamayan. “Magsisilbi siyang inspirasyon sa kanyang mga naiwang kasama at mga masang nakadaupang palad sa ilang ulit pang haba ng panahon,” pahayag ng BHB-Laguna.

Ipinanganak si Ka Gemma sa Dinamayanat, San Luis, Aurora noong Oktubre 13, 1984 sa katutubong Dumagat na pamilya ng mga maralitang magsasaka. Sa hirap ng buhay, hindi na nakapag-aral si Ka Gemma. Para makatulong sa pamilya, lumuwas siya sa kalunsuran upang mamasukan bilang kasambahay sa batang edad na 13.

Noong 2002, nakumbinsi si Ka Gemma ng mga nakilala niyang kababaihang hukbo sa kanilang lugar na sumapi sa yunit ng hukbong bayan. “Bagamat dumanas ng krisis sa unang taon ng kanyang pagkilos, hindi ito naging dahilan upang talikuran ang pakikibaka. Umabante si Ka Gemma sa kabila ng mga hamon,” ayon sa parangal ng yunit.

Sa loob ng 22 taon, tumangan siya ng mga gawain bilang platun medik, iskwad lider at pangalawang platun lider sa isang laking-kumpanyang yunit, at pampulitikang giya at instruktor. Binalikat niya ang mga tungkulin at gawaing ito nang walang pag-aalinlangan. Kwento pa ng yunit, kahit galing sa panganganak at kumaharap sa mga personal na krisis, buong-buong tinanggap ni Ka Gemma ang mga tungkuling ito.

“Ang pagkasawi ni Ka Gemma ay hindi nangangahulugan ng pagwawakas ng dakilang simulain tulad ng nais ipinta ng reaksyunaryong AFP-PNP at ng rehimeng US-Marcos II,” pahayag ng yunit. Dagdag pa ng yunit, si Ka Gemma ay patunay din na hungkag ang deklarasyong insurgency-free sa ilang mga bayan sa Laguna gaya ng Famy at Sta. Maria at sa halip ay patuloy na minamahal ng masa ang kanilang hukbo sa mga bayan na ito.

Paglapastangan sa bangkay ng martir

Halos isang linggo nang ginigipit at pinipigilan ang mga kaanak ni Ka Gemma na makuha ang kanyang bangkay para mapaglamayan at maiburol. Sa ulat ng Karapatan-Southern Tagalog, patuloy ang di-makataong pagtrato ng 80th at iba pang yunit militar at pulis sa mga kaanak ng martir.

Itinakas at hinosteyds ng mga sundalo ang dalawang kapatid ni Ka Gemma na sina Paulino at Sherlyn Ritual na sana’y kukuha sa bangkay ng kanilang kaanak noong Disyembre 2. Sapilitang inilayo ng Philippine National Police-Famy ang mga kaanak ni Ritual sa kanilang mga paralegal at sumailalim sa 30-minutong interogasyon sa loob mismo ng Famy Municipal Police Station.

Matapos nito ay hindi pinayagan ang mga kaanak ng biktima na makausap ang legal team at pwersahang isinakay sa sasakyan ng pulis patungong Camp Vicente Lim sa Calamba City. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila nakikita o natitiyak na maayos ang kanilang kalagayan.

Bukod dito, pilit ding isinama ng 91st IB ang anak ni Paulino Ritual gamit ang panlilinlang, upang tangkain na makuha ang labi ng kanyang tiyahin. Hindi pumayag si Paulino.

Patung-patong na pisikal na pananakit at pambubulyaw rin ang kinaharap ng mga paralegal ng Karapatan-Southern Tagalog mula sa kamay ng mga pulis. Pilit sinasabi ng mga pwersa ng estado na nanggugulo ang grupo taliwas sa katotohanan na ito ang katuwang ng pamilyang Ritual para maayos na makuha ang bangkay ng martir.

Sadyang pinatatagal at pinaiikot-ikot ang pamilyang Ritual at ang humanitarian team sa pagkuha sa bangkay ni Ka Gemma. Binatikos ng grupo ang 80th IB at PNP sa pagkakait ng hustisya sa pamilya Ritual, gayundin ang papapabaya sa naaagnas nang bangkay ng kanilang mahal na kaanak.

Nanawagan ang Karapatan-Southern Tagalog na dapat huwag nang patagalin pa ang pagpapahirap ng AFP at PNP sa pamilya Ritual. Hinimok din nito ang MCT Funeral Services na huwag nang maging kasangkapan ng krimen, karahasan at baluktot na protokol ng 80th IB at Famy PNP at kilalanin ang Karapatan TK bilang kinilalang paralegal sa payapang pagkuha ng labi ng martir.

AB: Babaeng Dumagat na kumander ng BHB-Laguna, pinarangalan