Balita

Duterte, “fit to stand trial” sa ICC

, ,

“Fit to stand trial” o nasa wastong pag-iisip at kalusugan si Rodrigo Duterte para harapin ang kumpirmasyon ng kanyang mga kaso, ayon sa independyenteng grupo ng mga eksperto at duktor na kinontrata para matukoy ang tunay niyang kalagayang medikal. Inilabas ng mga eksperto ang kanilang ulat noong Disyembre 18-19. Inaasahang maglalabas ng sariling desisyon ang International Criminal Court (ICC) batay sa ulat na ito.

Kahit matanda at mahina na, may kakayahang umintindi si Duterte sa mga kaso at proseso, at may kakayahan din siyang tumulong sa sariling depensa, ayon sa ulat. Inirekomenda lamang nito na bigyan siya ng hearing aid at sapat na mga pahinga o mga break sa pagdinig. Dagdag na rekomendasyon nito na iksian mga pagdinig sa isa’t kalahating oras lamang, apat na beses kada linggo.

Tinukoy ng mga eksperto na ang mga reklamo ni Duterte at kanyang mga abugado tungkol sa kanyang “cognitive decline” ay hindi tugma sa resulta ng mga test na isinagawa sa kanya noong Oktubre at Nobyembre.

Ang ulat ay tugon sa petisyon ng mga abugado ni Duterte na ibalam ang pagdinig ng kanyang kaso dahil hindi umano siya “fit to stand trial” dahil sa katandaan. Tulad ng inaasahan, hindi tinanggap ng kampo ni Duterte ang mga kongklusyon ng mga eksperto. Patuloy itong naghahabol para sa walang taning na pagbabalam sa pagdinig.

Sa kabilang panig, hinimok ng prosekusyon na bilisan ng ICC ang paghaharap ng mga kaso kay Duterte, lalo matanda na siya. Sinabi din nito na “pinepeke” lamang ni Duterte ang pagkaulyanin (cognitive impairment) para ibagsak ang kanyang mental assessment at iwasan ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kanya.

AB: Duterte, “fit to stand trial” sa ICC