Ekspansyon ng komersyal na plantasyon, banta sa katiyakan sa pagkain
Hindi lamang ang walang sagkang importasyon ng bigas at ibang pagkain ang banta sa katiyakan sa pagkain sa Pilipinas, banta rin dito ang tuluy-tuloy na ekspansyon ng komersyal na mga plantasyon para sa eksport.
Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, hindi lamang ang mga patakaran sa importasyon tulad ng Rice Liberalization Law (RLL) ang dapat ibasura dahil sa pinsala nito sa mga magsasaka. Dapat ding itigil ang ekspansyon ng mga komersyal na plantasyon na nakatuon sa eksport.
“Sinasalungat ng mga burukrata’t negosyante ang sarili nila,” ayon sa pambansang tagapangulo ng UMA na si Ariel “Ka Ayik” Casilao. “Kesyo nag-aalala sa food security ng bansa, pero di naman pagkain para sa lokal na konsumo ang nais itanim.”
Kinundena ng grupo ang pagpanukala ni Sen. Juan Miguel Zubiri ng Corporate Farming Act, katuwang ng National Land Use Act, na layuning isalang sa pagpapalit-gamit ang maraming tipak ng mga lupang agrikultural.
“Ang mga panukalang ito ay magpapadali sa pang-aagaw ng lupa ng mga korporasyon, na mabibigyan ng legalidad sa anyo ng mga agribusiness venture agreement, at magbibigay-laya sa mga kumprador at imperyalista na magprayoritisa ng pananim, imbes na palay at gulay,” ayon sa grupo.
Kinundena rin nito ang panukala kamakailan ni Rhodora Romero-Aldemita ng International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications Inc para sa paggamit ng genetically modified na mga pananim para diumano’y lalong palakasin ang produksyon sa agrikultura pang-eksport.
Tanong nito, para saan ang paghihinto ng importasyon kung isusuko rin naman ang mga sakahan pra gawing plantasyon ng mga pinya, saging, palm oil at iba pang pang-eksport?