Balita

Elemento ng CAFGU sa Masbate, pinabayaang mamatay ng AFP

Isang elemento ng CAFGU o Civillian Auxillary Forces and Geographical Unit sa Masbate ang namatay sa sakit noong Abril 23 sa Cawayan, Masbate matapos pabayaan ng mga upisyal militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tatlong araw nang namilipit sa sakit ng tiyan ang CAFGU na si Judjan “Bugoy” Cortes, 25 anyos, bago siya namatay ayon sa pamilya.

Ayon sa mga ulat, dinala lamang si Cortes sa ospital matapos tumawag, maggiit at makipagtunggali ng kanyang kapatid, na isa ring dating CAFGU, sa mga upisyal militar. Dahil sa pagpapabaya ng mga sundalo kay Cortes, malaki ang hinala ng mga kamag-anak na sinadyang lasunin ang biktima.

Si Cortes ay kabilang sa mga naiulat na sapilitang nirekrut ng militar sa pagka-CAFGU. Sinasabing kasabwat ng mga sundalo sa pagrerekrut ang dating marine na si Adriel “Boyet” Bessana, kapitan ng Barangay Dalipe, Cawayan. Itinalaga si Cortes sa detatsment ng CAFGU sa Barangay Calumpang, Cawayan.

Nangangamba ang kapatid ni Cortes sa kanyang kaligtasan matapos makipagtunggali sa upisyal militar para madala sa ospital si Cortes. Nag-aalala rin ang mga kamag-anak na palabasing kagagawan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagkamatay ni Cortes upang pagtakpan ang kapabayaan ng militar.

Nagkomento sa insidenteng ito si Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command). Aniya, pinatunayan ng pangyayari na kinakasangkapan at ginagamit lamang ng militar ang mga CAFGU.

Dagdag ng tagapagsalita, kakarampot na nga ang onoraryum na natatanggap bilang sahod ng mga CAFGU, madalas pa itong ibinubulsa ng mga upisyal. Wala rin silang ibang magawa kundi sundin ang lahat ng mga utos ng mga ito tulad ng pagnanakaw ng mga alagang hayop, panunulis at pamamaslang sa mga magsasaka sa prubinsya. Masahol, pinagsasamantalahan ng mga upisyal militar pati ang kanilang mga asawa o anak na dalaga, ayon kay Ka Luz.

Nanawagan si Ka Luz sa mga myembro ng CAFGU na huwag hayaang patuloy silang gamitin o gawing kasangkapan ng militar at pulis laban sa kapwa ninyo mahirap, pinagsasamantalahan at mga inaapi. “[Kayo rin] ay mula sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan,” aniya.

“Sa mga sibilyan naman na sapilitang nirerektut ng mga militar na maging CAFGU o ahente paniktik ng militar na sa halip na matakot ay agad na isumbong sa mga barangay upisyal o sa lokal na gubyerno,” aniya.

AB: Elemento ng CAFGU sa Masbate, pinabayaang mamatay ng AFP