Balita

EO 97 ng rehimeng Marcos, binatikos ng mga manggagawa

,

Binatikos ng mga manggagawa sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Executive Order (EO) 97 na anila’y “balatkayong proteksyon” lamang sa mga karapatang manggagawa. Inilabas ang naturang kautusan noong Setyembre 19 bilang tugon sa rekomendasyon ng High Level Tripartite Mission na idinaos noong 2023 na magbuo ng isang ahensyang magtitiyak sa mga karapatan sa paggawa at magpapanagot sa mga lumalabag dito.

“(A)ng EO97 ay isang pambabaluktot at lantarang pambabastos sa kahingian ng mga manggagawa para sa hustisya at pananagutan,” ayon sa KMU. Walang kredibilidad, anito, ang itinayong ahensyang pamumunuan ng mga tagapaglabag ng mismong mga karapatan ng mga manggagawa tulad ng militar, pulis at NTF-Elcac.

“Nasa kamay ng AFP at PNP ang dugo ng higit 100 manggagawa at unyonistang pinatay sa ilalim ni Duterte at Marcos Jr,” ayon sa grupo. Kasalukuyan ding nakapiit ang puu-puong unyonista at organisador ng manggagawa.

“Ang NTF-Elcac ang nangunguna sa mga kampanyang sapilitang pagtitiwalag (forced disaffiliation), red-tagging, at pagbahay-bahay sa mga unyon at organisasyong manggagawa sa buong bansa,” anito.

Gayundin, ginawa lamang ng EO 97 na lehitimong target ng kampanya kontra-insurhesya ang mga manggagwa, ayon sa grupo.

“Binibigyang-katwiran nito ang panghihimasok at pakikialam ng NTF-ELCAC at mga armadong galamay ng gubyerno sa mga usaping manggagawa sa tabing pagpapanatili ng “industrial peace” at “whole-of-nation approach,” pahayag ng KMU. Panawagan nito, buwagin ang NTF-Elcac.

AB: EO 97 ng rehimeng Marcos, binatikos ng mga manggagawa