Estudyanteng Pilipino sa US, sinuspinde sa pagsuporta sa protesta kontra-henosidyo

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi makatarungang sinuspinde ng University of Pennsylvania (UPenn) sa United States ang estudyanteng Pilipino na si Eliana Atienza noong Mayo 9 matapos lumahok at manguna sa kampuhan kontra sa kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel, na suportado ng US, laban sa mamamayang Palestino. Sinuspinde ng UPenn si Atienza, kasama ang lima pang estudyante, at tinanggalan ng karapatan sa kanyang dormitoryo at iba pang serbisyong pang-estudyante.

Isa lang ang kampuhan sa UPenn sa napakaraming katulad na protesta sa buong US. Simula pangalawang linggo ng Abril, libu-libong estudyante ang patuloy na naglulunsad ng mga protesta at nagtayo ng mga kampuhan laban sa henosidyo ng US at Israel sa Gaza. Dinahas at ginipit din ang mga ito ng armadong pwersa ng US.

Itinayo nila ang mga kampuhan sa malalaking kampus para ipanawagan ang pag-atras ng kani-kanilang mga unibersidad sa lahat ng pamumuhunan at ugnayan sa Zionistang rehimen sa Israel at mga kumpanya sa armas na nagsusuplay ng mga sandata dito. Maraming unibersidad ang malapit na nakikipagtulungan sa military–industrial complex ng US, at sa gayon ay may pananagutan sa henosidyo ng Israel sa Gaza.

Kinundena ng League of Filipino Students (LFS) ang suspensyon kay Atienza sa UPenn. “Ang katapangan niya bilang dayong estudyante sa isang imperyalistang bansa na brutal na nang-atake sa mga nagprotesta sa nagdaang mga linggo…ay dapat magsilbing halimbawa sa mga Pilipinong estudyante sa Pilipinas at sa buong mundo na makiisa sa Palestine at manindigan laban sa industriyang militar ng US,” pahayag ng grupo.

Nagpahayag rin ng suporta kay Eliana ang kanyang ama na si Alejandro Ilagan Atienza o mas kilalang si Kuya Kim. Aniya, talagang ipinahahayag ng kanyang anak ang mga bagay na pinaniniwalaan nito at sa kasong ito, siya ay kontra-henosidyo at kontra-gera.

Sa pagputok pa lamang ng madugong gera ng Zionistang Israel sa mamamayang Palestino noong Oktubre 2023, nagpahayag na si Eliana at iba pang mga estudyante ng UPenn ng kanilang pagkundena sa henosidyo. Kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kolehiyo si Eliana at kumukuha ng kursong BA Environmental Studies.

Simula Oktubre 7, 2023, nang ilunsad ng Zionistang Israel ang malawakang pag-atake sa Gaza City, hindi bababa sa 35,091 mga Palestino na ang pinaslang habang higit 78,000 na ang nasugatan at daan-daang libo naman ang napalayas. Karamihan sa namatay sa walang tigil na pambobomba at pag-atake ay kababaihan at mga bata.

Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang air and naval strikes ng pwersang Israeli sa Gaza City. Sa desisyon ng International Court of Justice kahapon, inilarawan nitong isang sakuna ang sitwasyon sa Gaza, partikular na sa distrito ng Rafah, at ipinag-utos sa Israel na itigil ang mga opensiba doon.

AB: Estudyanteng Pilipino sa US, sinuspinde sa pagsuporta sa protesta kontra-henosidyo