FFPS, kikilos laban sa mga pag-atake sa konsultant ng NDFP
Nanawagan ng pagkilos ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) sa lahat ng mga kasapi at alyado nito sa buong mundo sa darating na Nobyembre 30. Layunin ng nakatakdang pagkilos na ilantad at kundenahin ang panunupil at pag-atake sa mga konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
“Sa isang desperadong tangka na magtanim ng takot sa mamamayang Pilipino at durugin ang rebolusyonaryong kilusan, ikinulong, dinukot, tinortyur at pinaslang ng reaksyunaryong gubyerno ang mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP,” pahayag ng FFPS.
Pinakahuli sa mga serye ng pag-atake ng rehimeng Marcos sa NDFP ang pag-aresto sa tatlo nitong konsultant noong Oktubre lamang. Dinakip ng mga pwersa ng estado sina Wigberto Villarico noong Oktubre 24, Simeon Naogsan noong Oktubre 21 at Porferio Tuna noong Oktubre 2. Labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) ang pag-aresto sa kanila.
Ang JASIG ay isang kasunduan na naggarantiya sa kaligtasan ng lahat ng mga sangkot sa usapang pangkapayapaan. Ipinagbabawal nito ang sarbeylans at pag-aresto ng mga negosyador, konsultant at iba pang tauhan. Pinirmahan ito noong Pebrero 24, 1995 sa ilalim ng rehimeng Ramos.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa limang konsultant ng NDFP ang pinatay ng armadong pwersa ng rehimen. Naitala rin ang isang kaso ng sapilitang pagkawala ng isang konsultant ng NDFP, habang lima ang kabuuang bilang ng iligal na inaresto.
“Idinidiskaril lamang ng mga atake ng administrasyong Marcos Jr ang natatanging posibilidad para sa dayalogo,” ayon pa sa FFPS. Kahapon lamang, ginunita ang unang taong anibersaryo ng Oslo Joint Statement ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of Philippines (NDFP) na nilagdaan noong Nobyemre 23, 2023.
Dagdag ng grupo, inilalantad ng rehimeng Marcos ang intensyon nito na itulak ang hindi prinsipyadong kapayapaan sa pagpilit sa mga pwersang rebolusyonaryo na magsuko ng armas sa halip na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian.
“Ang mga taktikang ito ng estado ay inutil laban sa mamamayang kumikilos laban sa malalim na inhustisya sa ilalim ng dominasyon ng US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at naghahangad ng hustisya at paglaya,” paliwanag ng FFPS. Nananatiling matatag ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Pilipno at kasintatag ang pakikiisa ng FFPS sa kanila, anito.
Hinikayat ng FFPS ang mga myembro at alyado nito na maglunsad ng kilos protesta, kumuha ng mga larawan at bidyo na may talumpati at panawagan, magsagawa ng oplan dikit-oplan pinta, o maglunsad ng mga programang pangkultura.
“Sama-sama nating itanghal ang kanilang katapangan at buung-buong magpahayag ng suporta sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya,” panawagan ng FFPS.
Ang FFPS ay internasyunal na grupo ng mga banyagang sumusuporta sa pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas. Mayroon itong mga kasaping organisasyon mula sa North America, Europe, Asia at Oceania.