Fil-Am na nakakulong sa US, nagsampa ng kaso laban sa ICE
Nagsampa ng kaso si Alma Bowman noong Agosto 1 sa isang korte sa Georgia sa US laban sa upisyal ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) kaugnay ng hindi makatarungang pagkukulong sa kanya.
Si Bowman, 58, ay inaresto noong Marso 26 nang dumalo siya sa kanyang “check-in” sa ICE Atlanta Field Office kasama ang kanyang dalawang anak, abugado at mga sumusuporta sa kanya. Ang “check-in” ay bahagi ng programang Alternatives to Detention ng ICE, kung saan regular na ipinatatawag ang mga imigranteng may problema sa kanilang papeles para manatili sa bansa.
Ayon sa Asian Americans Advancing Justice-Atlanta at Center for Constitutional Rights, labag sa tamang proseso na nakasaad sa konstitusyon ng US at sa sariling patakaran ng ICE ang pag-aresto kay Bowman.
Nagkaroon ng problema si Bowman sa kanyang istatus bilang residente nang masentensyahan siya at makulong sa kasong estafa noong 2017. Habang nakakulong sa Irwin County Detention Center, ibinunyag niya ang malubhang paglabag sa karapatang-tao ng mga kababaihang nakadetine sa pasilidad. Napag-alaman sa ginanap na imbestigasyon na pwersahang ipinatanggal sa kababaihan ang kanilang mga matris at binalewala ang kalusugan ng mga pasyente. Hindi bababa sa 43 na kababaihan ang naging biktima ng pang-aabuso sa pasilidad. Nakabukas hanggang ngayon ang kaso kung saan tumatayo siyang isa sa mga testigo.
Naniniwala si Bowman at kanyang mga abugado na ang tulak ng ICE na ikulong at i-deport siya ay may kinalaman sa kanyang pagbubunyag at pagtestigo sa kasong ito.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa Stewart Detention Center kung saan tinutulungan niya ang kapwa kababaihan na aralin ang paliguy-ligoy ng sistema ng imigrasyon at ikampanya ang Equal Citizenship for Children Act.
“Kahit anong kulay mo or lahi, o anong lenggwahe ang gamit mo, pare-pareho tayo. Lahat tayo ay tao. Hindi tayo dapat ihiwalay sa ating pamilya. Para sa ‘kin ‘yun ang mayor na layunin ng ICE,” pahayag ni Bowman.
“Hindi lang kami lumalaban para sa pagpapalaya kay Alma kundi para sa karapatan ng lahat ng imigrante na ikinukulong nang walang sala sa gubyerno,” pahayag ni Samantha Hamilton, isa sa abogado ni Bowman.
Kabilang si Bowman sa ikinakampanya na agarang palayain ng Malaya Movement USA, Gabriela USA, Tanggol Migrante Network at Bayan USA. Ang kampanyang Justice for Alma Bowman ay bahagi ng National Defend Migrant Workers Campaign at Tanggol Migrante Network.
Sa kasalukuyan, libu-libong imigrante ang pinatatawag ng ICE para sa kanilang mga “check-in” para mas madali silang dakpin, ikulong at kalauna’y i-deport saanman.