Balita

Globe, pinanagot sa kapalpakan na protektahan ang pera ng mga user

,

Pinanagot ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang Globe sa kapalpakan nitong protektahan ang pera ng mga gumagamit ng e-wallet nitong GCash. Noong Nobyembre 11, naghain ng resolusyon ang partido, katuwang ang mga kinatawan ng Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist, para imbestigahan ang malawakang di awtorisadong pag-withdraw ng libu-libong pondo mula sa random na mga akawnt.

Taliwas ito sa ipinagmamayabang ng kumpanya na ligtas ang pera ng mga gumagamit rito dahil sa mga hakbang panseguridad nito. Kabaliktaran rin ito sa mga pangako na magiging ligtas ang mga transaksyong elektroniko sa bisa ng batas ng pwersahang pagrerehistro ng mga SIMCard.

Palusot ng Globe, “glitch” lamang diumano ng kanilang produkto ang nangyari at hindi naman diumano aktwal na nawala ang pera. Sa kabila ito ng mga reklamo ng mga netizen na napunta ang kanilang mga pera sa mga numerong di nila kilala. May mga nagreklamo ring “di rehistrado” ang mga numerong “tumanggap” ng pera.

“Iginigiit namin na agad ibalik ng GCash ang nanakaw na mga pondo sa mga apektadong user at ipaliwanag kung paano nangyari itong malawakang transaksyon na di awtorisado sa kabila ng kunwa’y mga hakbang panseguridad nito,” pahayag ni Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng GWP. Hindi ito katanggap-tanggap dahil maraming pamilya ang umaasa sa kanilang mga e-wallet para sa pang-araw-araw na transaksyon at gastusin.

“Dapat ibasura na ang SIM Card Registration Act. Malinaw na bigo itong pigilan ang mga scam at fraud,” aniya. “Sa halip, ginawa pa nitong bulnerable ang mga Pilipino sa mga data breach at isinasapeligro ang kanilang pinaghirapang kita.”

Sa harap ng anomalya, inamin ng Department of Information and Communication Techonology (DICT) na wala itong kapangyarihan na usisahin ang sinasabi ng Globe na “glitch” sa sistema nito.

“Kami ho sa pamahalaan particularly ho sa DICT eto rin ho talaga yung problema natin… Hindi ho natin ma-check or hindi ho kami makapasok dahil wala naman tayong regulatory powers over them,” ayon sa isang upisyal ng kagawaran.

Nanawagan ang GWP ng mas mahigpit na mga alituntunin sa regulasyon para matiyak na di mauulit ang gayong kapalpakan ng Globe.

AB: Globe, pinanagot sa kapalpakan na protektahan ang pera ng mga user