Balita

Grupo ng magsasaka sa Isabela, nagmartsa sa Santiago City

,

Ilampung magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela ang nagtipon at lumahok sa asembliya ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) noong Mayo 11 sa Santiago City. Matapos ang asembliya ay nagmartsa sila sa sentro ng syudad para manawagan ng tunay na reporma sa lupa, suporta sa produksyon at pagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mga magbubukid.

Nagkaroon ng mga talakayan at aktibidad sa inilunsad sa asembliya na ginabayan ng temang “Bigkisin ang lakas at pagkakaisa sa harap ng tumitinding krisis at pagsasamantala! Isulong ang pakikibaka sa lupa, sahod, kabuhayan at karapatan ng mga magsasaka at mamamayan!” Nagsilbing mga pangunahing tagapagsalita sa pagtitipon sina dating Bayan Muna Partylist Rep. Atty. Neri Colmenares at Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Nagbahagi ng karanasan ang mga lokal na magsasaka sa kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Isabela. Isinalaysay nila ang mga usapin kabilang ang mababang presyo ng kanilang ani, pagtaas ng gastos sa produksyon, epekto ng kalamidad, at banta ng matinding El Niño.

Bilang bahagi ng asembliya, binuo at tinalakay ng mga magsasaka ang isang taong plano ng pagkilos ng Dagami. Pormal ding inianunsyo sa pagtitipon ang mga bagong halal na upisyal at lider ng Dagami, na ayon sa grupo ay inaasahang magpapatuloy at magpapatatag sa organisasyon sa gitna ng lumalalang krisis sa kanayunan.

Sinundan ang asembliya ng martsa ng mga magsasaka sa Santiago City. Isinigaw nila ang mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, makatarungang sahod, suporta sa kabuhayan, proteksyon sa karapatan ng mga magsasaka, hustisya, at pagbabasura sa Rice Liberalization Law at iba pang mapanupil na patakaran ng gubyerno.

Nanawagan ang Dagami ng mas mahigpit na pagkakaisa at kolektibong pagkilos ng mga magsasaka at iba pang inaaping sektor sa susunod na mga taon. Nangako rin ito na ipagpapatuloy at palalakasin ang pakikibaka para sa lupa, karapatan, at tunay na pagbabagong panlipunan para sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino.

Ang Isabela ay itinuturing bilang “Rice Bowl of the North” dahil sa malaking kontribusyon nito sa sektor ng agrikultura. Nangungunang prodyuser ang prubisya ng dilaw na mais, at ikalawang pinakamalaking prodyuser ng palay sa bansa. Mayroon din itong malawak na mga taniman ng cassava, tabako, pinya, saging at ilang mga gulay.

AB: Grupo ng magsasaka sa Isabela, nagmartsa sa Santiago City