Grupo ng mga tsuper ng dyip sa UP-Diliman, nagtigil-pasada
Nagsagawa ng tigil-pasada ang mga tsuper at opereytor ng dyip na bumibyahe sa loob ng University of the Philippines (UP)-Diliman noong Agosto 1 para tutulan ang pagpasok ng kooperatiba ng e-jeepney na aagaw sa ruta ng mga tradisyunal na dyip sa kampus. Pinangunahan ang pagkilos ng UP Transport Group, sa suporta ng mga estudyante, guro, at mga manggagawa at kawani ng unibersidad.
Ayon sa UP Diliman University Student Council (USC), nakaambang pumasok sa kampus ang kooperatiba ng Greenhighway Rising Star Transport and Multi-purpose Cooperative na nakabase sa Pasay City para sa rutang TOKI (rutang umiikot sa loob lamang ng kampus).
Lumahok sa tigil-pasada ang mga dyip na bumabyahe sa ruta ng UP-Philcoa, UP-Pantranco, IKOT, TOKI, at UP-Katipunan. Upisyal na nagtapos ang kanilang pagkilos sa isang programa sa UP Quezon Hall kasama ang UP Diliman USC, UP Academic Workers Union, UP Workers Alliance, at iba pang mga grupo.
Nagsumite rin ang UP Transport Group at UP Diliman USC ng isang liham sa UP-Diliman Office of the Vice Chancellor for Community Affairs para irehistro ang mga panawagan ng mga tsuper sa administrasyon ng UP. Laman ng sulat ang anim na kahingian ng mga tsuper.
Panawagan nila na itigil ang pagpapapasok ng mga taga-labas na kooperatiba ng e-jeepney. Giit nilang pahintulutan ang operasyon ng mga tradisyunal na jeepney sa kanilang mga orihinal na ruta, panatilihin ang mga kasalukuyang drayber, opereytor, at kooperatiba na ilang dekada nang nagsisilbi sa komunidad ng UP.
Panawagan rin nila sa UP-Diliman na kilalanin ang UP Transport Group bilang upisyal na kinatawan ng mga drayber ng dyip sa kampus, patuloy na konsultasyon sa UP Transport Group, USC, at iba pang sektoral na organisasyon patungkol sa mga patakaran sa transportasyon at pakikiisa sa mga drayber ng dyip sa UP sa panawagan tungo sa isang makamasang modernisasyon na nakaugat sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo na nag-uuna sa kapakanan ng mga drayber at komyuter.
“Sa kabila ng nagbabadyang panganib sa kabuhayan ng mga myembro ng ating komunidad, nararapat na ang administrasyon mismo ng UP Diliman ay dinggin ang interes at tumindig para sa kapakanan ng mga tsuper at hindi ang komersyal na interes ng mga korporasyon na nais manghimasok sa ating pamantasan,” pagdidiin ng UP Diliman USC.