Sa Pandaigdigang Araw ng Pagkain: Gutom araw-araw ang mamamayan sa ilalim ni Marcos, giit ng masang maralita

Nagprotesta ang mga magsasaka, kasama ang iba pang demokratikong sektor, sa pambansang upisina ng Department of Agriculture sa Quezon City kahapon, Oktubre 16, para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain (World Food Day) na idineklara ng United Nations. Taunan itong ginugunita ng mga magsasaka bilang “World Hunger Day” o Pandaigdigang Araw ng Kagutuman para bigyang diin ang matagal nang suliranin sa kagutuman, kakulangan at kawalang akses sa pagkain sa buong bansa.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), si Marcos Jr bilang pangulo at kalihim ng DA ang numero unong tagapagdulot ng kagutuman sa bansa. “Habang nagpapanggap na magpapatupad ng mga populistang patakaran para umano solusyunan ang krisis sa bigas at pagkain, ang walang pinagkaibang mga patakaran na kanyang ipinatutupad ay nagdudulot ng kagutuman,” ayon pa sa grupo. Giit nila: “Marcos, palpak, umalis ka na sa Department of Agriculture.”

“Tunay na reporma sa lupa ang sagot krisis sa pagkain na nararanasan natin ngayon. Ang nais ng mga magsasaka at konsyumer ay isang maka-Pilipinong sistema ng pagkain,” ayon kay Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Binatikos ng KMP ang salot na Rice Liberalization Law na siyang dahilan nang pagbuhos ng imported na bigas na nagpapadapa sa mga magsasaka. Sa kasalukuyan, nasa ₱18-₱20 lamang ang bilihan ng palay kada kilo.

Nakiisa rin sa protesta ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), samahan ng mga mangingisda. Ang sektor ng mga mangingisda ang itinuturing na pinakamahirap sa bansa kasama ang mga magsasaka.

Binatikos ng pambansang pangulo ng Pamalakaya na si Fernando Hicap ang palpak na programa ng gubyerno para sa mga mangingisda sa bansa. Aniya, “ang patuloy na patakarang importasyon ng mga produktong agrikultural ay pumapatay sa aming kabuhayan dahil sa higit na pagbagsak ng presyo ng aming mga produkto sa pagbaha ng mga imported na isda.”

Kamakailan ay pinahintulutan ng DA ang importasyon ng 35,000 metriko tonelda ng mga isdang pelagic kabilang ang galunggong, matang baka, bonito, moonfish, at mackerel sa mga palengke na dadagsa ngayong Oktubre hanggang Disyembre.

“Sa pagpasok ng mga bagsak-presyong imported na galunggong ay lalong bumabagsak ang halaga o farmgate price ng kagayang isda sa mga maliliit na mangingisda mula sa ₱60-₱70 kada kilo tungo sa ₱30-₱50 kada kilo,” ayon pa kay Hicap.

Anang grupo, matutugunan lamang ang seguridad sa pagkain at kabuhayan kung tatalikuran ng gubyerno ang mga patakarang importasyon, at bigyang-prayoridad ang pagpapalakas sa produksyon ng mga mangingisda at magsasaka sa pamamagitan ng subsidyo at iba pang suportang pangkabuhayan.

Pinuna din ng mga grupo ang pakanang pambansang programa ni Marcos Jr na “Walang Gutom” na target umanong wakasan ang kagutuman bago ang 2028. Anila, hindi ito mangyayari hanggang binabansot at pinababayaan ng mismong gubyerno ang agrikultura.

AB: Gutom araw-araw ang mamamayan sa ilalim ni Marcos, giit ng masang maralita