Balita

Higit 16,000, lumahok sa kilusang walkout, protesta sa UP

Sa loob lamang ng walong araw, higit 16,000 estudyante, guro at kawani ng University of the Philippines (UP) ang lumahok sa kilusang walkout at protesta na inilunsad sa unibersidad bilang pagbatikos sa laganap na korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Nagkakaisang sigaw ng mga grupo at sektor ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian at korapsyon, mula kay Marcos hanggang sa ibaba.

“Higit 15,000 na mga Iskolar ng Bayan mula sa Cordillera hanggang Mindanao na ang lumiban sa klase upang mag-demanda ng pananagutan mula sa mga kurakot at sangkot!” pahayag ni Dexter Clemente, UP Student Regent. Dagdag niya, tiyak na nanginginig na sa takot ang mga magnanakaw na pulitiko sa ipinakikitang laksa-laksang lakas ng mga kabataan-estudyante ng UP.

Pinakahuli sa serye ng kilusang walkout ang paglabas ng higit 7,000 indibidwal sa kanilang mga klase sa UP Los Baños (UPL) sa Laguna noong Setyembre 19. Nagmartsa mula sa iba’t ibang kolehiyo ang mga konseho ng mag-aaral at organisasyon bago nagsama-sama sa Oblation Park ng kampus.

“Bitbit ang panawagan para sa dagdag na badyet sa edukasyon at serbisyong panlipunan, at pananagutin ang mga korap at rehimeng US-Marcos, patunay ito ng lumalakas na militanteng diwa ng komunidad ng UPLB at Los Baños,” ayon sa UPLB University Student Council (USC).

Matapos ang programa, pormal nilang inilunsad ang UP Action Los Baños, isang alyansa ng iba’t ibang grupo sa kampus na tumututol sa korapsyon at nagsusulong ng pagpapataas ng badyet sa mga serbisyong panlipunan. “[H]indi rito titigil ang mga Iskolar ng Bayan, bagkus ay isa lamang itong umaalab na simula tungo sa mas malalaki pang pagkilos at pakikibaka,” pahayag ng konseho.

Sa araw ding iyon, lumahok sa walkout ang may 600 indidbiwal sa UP Mindanao sa Davao City. Nagmartsa sila sa kampus at naglunsad ng programa sa UP Mindanao Atrium sa pangunguna ng UP Mindanao USC.

Ayon sa konseho, hindi dapat matakot ang mga estudyante na lumiban sa klase bagkus dapat matakot sa isang sistemang patuloy na binubusalan ang katotohanan, binabawasan ang badyet para sa kinabukasan, at winawaldas ang yaman ng bayan. “Ang pagliban sa klase ay hindi kawalan ng pagkatuto, kundi bahagi ng ating pagkilos upang isulat ang kasaysayan,” anito.

Noong Setyembre 17, nasa 1,800 indibidwal ang lumahok sa walkout at martsa sa UP Baguio. Higit 50 mga konseho, organisasyon at iba pang samahan ang pumirma sa nagkakaisang manipesto na bumabatikos sa malawakang korapsyon sa pagitan ng gubyerno at mga pribadong kontratista.

Noong Setyembre 15, tinatayang 1,000 estudyante, mga guro at kawani ang nakibahagi sa walkout sa UP Cebu. Pinangunahan ang malawak na protesta ng alyansang UP Cebu Kilos Na. Simbolikong tinakluban ng mga estudyante ng itim na tela ang Oblation bilang pagpapakita ng kanilang paglaban at pagtindig sa korapsyon.

Noong Setyembre 12, higit 5,000 ang nagmartsa sa UP Diliman. Dumaluyong sa Palma Hall ang mga estudyanteng nakasuot ng itim bandang tanghali mula sa kani-kanilang kolehiyo kung saan naglunsad ng lokal na programa ang mga konseho ng mag-aaral, pambansa-demokratikong grupo at iba pang samahan. Umalignawngaw ang mga sigaw ng mga iskolar ng bayan para panagutin ang lahat ng mga kurakot kasabay ng malalakas na tambol at mga progresibong awitin.

Sa araw ding iyon, higit 600 estudyante ng UP Manila ang lumahok sa walkout at martsa. Sa UP DEPPO sa Clark, Pampanga, mahigit 200 estudyante ang nagwalk-out sa klase bilang pakikiisa sa araw ng protesta. Sa UP Tacloban, hindi bababa sa 120 estudyante ang nagprotesta sa kabila ng pag-ulan.

Sa pagpupursigi ng mga konseho ng mag-aaral sa iba’t ibang kampus, nakuha nila ang suporta ng mga tsanselor, dekano at direktor ng mga kolehiyo para sa walkout at demonstrasyon. Ang pagpapamalas ng suporta ng ilang mga administrador ng UP ay nagpapakita ng matinding mensahe kontra sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ang mga pagkilos sa UP ay nagsilbi ring bahagi ng paggunita sa darating na ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar at ang 14 na taong diktadura ni Marcos Sr. Ayon sa mga estudyante, walang pinag-iba ang panahon ng amang diktador sa patuloy na pag-iral ng malawakang korapsyon at pasismo ng rehimeng Marcos Jr.

Kaugnay nito, idineklara ng UP Office of the Student Regent, mga konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyon ng UP na lalahok sila sa malawakang protesta kontra korapsyon sa Setyembre 21. “Sigaw ng UP System: Tama na, sobra na! Panagutin lahat ng mandarambong starting from the top, kay Bongbong!” ayon kay Clemente.

AB: Higit 16,000, lumahok sa kilusang walkout, protesta sa UP