Higit 5,000 kabataan, nagmartsa sa Mendiola para paalisin ang rehimeng Marcos
Sama-samang nagmartsa ang higit 5,000 kabataan at estudyante patungo sa Mendiola sa Maynila noong Oktubre 17 bilang bahagi ng National Youth Day of Action Against Corruption. Sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, mga konseho ng mag-aaral at alyansa, sigaw ng kabataan: “Marcos-Duterte, Alisin! Bulok na sistema, baguhin!”
Nag-walkout ang mga estudyante at naglunsad ng lokal na programa sa kani-kanilang mga unibersidad bago nagtungo sa Mendiola. Lumahok sa demonstrasyong kabataan ang mga grupo mula sa pribado at pampublikong unibersidad, mula sa mga malalaking eskwelahan at sa ibang mas maliliit. Kumilos ang mga estudyante mula sa 28 unibersidad at pribadong institusyon.
Kabilang dito ang University of the Philippines (UP)-Diliman, Ateneo de Manila University (ADMU), Polytechnic University of the Philippines (PUP); mga eskwelahan sa ilalim ng One Taft Alliance na UP Manila, De La Salle University (DLSU)-Manila, De La Salle-College of St. Benilde, St. Scholastica’s University Manila, Philippine Normal University, Technological University of the Philippines, at Adamson University; mga bahagi ng One University Belt Alliance tulad ng University of Sto. Tomas, Far Eastern University, University of the East (UE)-Manila, National University-Manila, Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), Arellano University, San Beda University, Centro Escolar University, at National Teachers’ College; mga myembro ng One Intramuros Alliance na Mapua University, Unibersidad de Manila, Pamantasang Lungsod ng Maynila at Colegio de San Juan de Letran; mga bahagi ng One Quirino Alliance na Our Lady of Fatima University-Quezon City, Bestlink College of the Philippines, at Quezon City University (QCU); at Philippine Christian Univeristy at UE-Caloocan.
Ang ilan sa mga unibersidad ay nauna nang naglunsad ng mga protesta at nakibahagi sa lumalawak na kilusang walkout na nagsimula noong ikalawang linggo ng Setyembre. Mula Luzon hanggang Visayas at maging sa Mindanao ay tumindig ang mga estudyante laban sa korapsyon.
Tinatayang higit 40,000 ang mga estudyante at kabataang nakibakagi sa mga walkout sa buong bansa. Pinakabago sa serye ng mga walkout ang inilunsad sa Mapua University at De La Salle-College of St. Benilde.
“Muling gumawa sa kasaysayan ang mga kabataan at tumindig laban sa korapsyon at bulok na sistema. Malinaw sa kabataan na hindi ito problema sa iilang kurakot na tao kundi ng buong sistema,” pahayag ng Anakbayan. Anang grupo, ang malaking demonstrasyon ay pagpapakita na hindi na naniniwala ang kabataan na magkakaroon ng hustisya at pananagutan sa ilalim ng rehimeng Marcos.
“Malinaw na walang aasahan sa kasalukuyang rehimen,” ayon sa Anakbayan. Patunay dito ang nalalantad na laganap na korapsyon sa gubyerno, pagtigil ng mga imbestigasyon sa Senado at kongreso, bogus na Independent Commission for Infrastructure, pagpapawalang sala kay Sara Duterte sa kanyang paglulustay ng pondo ng bayan, bilyon-bilyong pondo para sa confidential funds, unprogrammed appropriations, ghost flood control projects, at substandard na mga proyekto sa pambansang badyet ng 2026.
Dumalo sa martsa sa Mendiola si Kabataan Party-list (KPL) Rep. Renee Co. “Isang taas kamaong pagpupugay sa lahat ng kabataang naiintindihang pag-asa tayo ng bayan, desididong nag-walkout, at inuuna ang makasaysayang laban para sa kapakanan ng mamamayan, sa bayan, sa kinabukasan!” aniya.
Hamon ng partido na higit pang palawakin ang kilusang kontra korapsyon. Ayon sa KPL, hindi sapat na lakas ng kabataan lamang ang ipamalas dahil ang pagtindig sa korapsyon ay laban ng bawat Pilipino. “Hamon sa kabataan na dalhin natin ang laban labas pa sa ating mga kampus. Mag-organisa tayo kasama ang masang manggagawa, magsasaka, at iba pang anakpawis na bumubuo sa mayorya. Pag-aralan natin ang mga ugat ng kahirapan ng ating bayan!” pahayag ng KPL.
Sa labas ng Metro Manila, ikinasa rin ng mga estudyante ang walkout at mga piket protesta sa Baguio City, Nueva Ecija, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon, Cebu City, Iloilo City at Davao City. Daan-daan ang nag-walkout sa Central Luzon State University (CLSU), UP Los Baños, Southern Luzon State University, UP Visayas at iba pa sa araw na iyon.