Higit 600 estudyante, nagprotesta sa UP Visayas
Nagmartsa ang higit 600 estudyante ng University of the Philippines (UP) Visayas sa kampus nito sa Miag-ao, Iloilo noong Nobyembre 15 upang iparating sa administrasyon ng unibersidad ang kanilang mga hinaing at kahingian. Sigaw ng iba’t ibang mga grupo, organisasyon at konseho sa martsa: “Do better UPV!”
Ang pagkilos ng mga estudyante ay itinaon sa nalalapit na paggunita sa National Students’ Day (NSD) sa Nobyembre 17. Binuo ng mga konseho ng mag-aaral, partidong pampulitika, publikasyon, mga organisasyon at samahan sa loob ng UP Visayas ang tinawag nitong NSD Student Walkout Agenda na inihapag sa administrasyon.
Ayon sa komite ng NSD, ang adyenda ay resulta ng puspusang konsultasyon at pakikipagpulong sa mga estudyante ng UP Visayas. Kabilang sa mga isyung tinalakay sa adyenda ang mga espasyo sa kampus, pagpapalakas sa awtonomiya ng mga estudyante, sapat na pasilidad at rekurso, pagtindig laban sa UP Declaration of Cooperation sa AFP, pagtutol sa kaltas badyet at pagkontra sa mandatory ROTC. Isinali rin sa adyenda ang panawagan ng mga empleyado at guro ng uniberisdad.
Kaugnay nito, ipinanawagan ng mga estudyante sa administrasyon na magkaroon ng isang dayalogo para pakinggan ang kanilang mga hinaing. “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng bukas na dayalogo at kahandaang makipag-usap sa mga estudyante, posibleng matugunan ang mga mahahalagang isyu na ito,” ayon sa kanilang pahayag.
Sa pagtatapos ng pagkilos, sama-samang inihatid ng mga lider-estudyante ng UP Visayas ang adyenda ng mga kabataan sa upisina ng tsanselor. Ayon sa komite ng NSD, malinaw na ipinamalas ng kanilang pagkilos ang “numero sa likod ng mga apela, [ang] numero na paulit-ulit [na] binibigo.”
Pahayag naman ni UP Visayas USC Chairperson Anton Quilantang, patunay ang pagkilos ng kolektibong lakas ng mga estudyante. “Naipakita natin na dapat tayo ay pakinggan bilang pinakamalaking sektor ng pamantasan. Nawa’y ang nabuo nating mga alliances, demands, at calls ay magpapatuloy at patuloy nating bitbitin hanggang sa maipanalo natin ang mga ito,” aniya.
Samantala, nagkaroon din ng pagkilos ang mga estudyante ng West Visayas State University sa kampus nito sa La Paz, Iloilo City noong hapon. Sinundan ito ng isang martsa ng iba’t ibang grupo ng mga estudyante at kabataan tungo sa kapitolyo ng Iloilo para ihayag ang paglaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Pinangunahan ang pagkilos ng Western Visayas Youth and Students Alliance.