Hustisya para kay Leonard Co, patuloy na ipinananawagan

,

Patuloy na iginigiit ang hustisya para kay kay Leonardo Co, isang syentista at botanist, at kanyang mga kasamahan na pinaslang ng militar noong 2010. Ayon sa mga siyentista at grupong Agham-Advocates of Science and Technology for the People, dapat umanong mayroong mapanagot sa karumal-dumal na krimeng ito.

Si Co ay isang ethnobotanist o syentistang nag-aaral ng mga halaman. Kasama niya sina Julius Borromeo at Sofronio Cortez nang pagbabarilin sila ng 19th IB sa kagubatan ng Upper Mahiao, Lim-ao, Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Pinalabas ng mga militar na naipit sa bakbakan ng kanilang yunit at ng Bagong Hukbong Bayan ang tatlo ngunit napag-alaman sa imbestigasyon na wala itong katotohanan.

Napatunayan sa fact finding mission ng Agham at iba pang mga organisasyon noon na arbitraryo ang ginawang pamamaril ng militar at “kinaligtaan nila ang kanilang tungkulin na i-verify (alamin) ang pagkakakilanlan ng tim ni Co bago sila pagbabarilin.”

Ayon kay Jona Yang, pangkalahatang kalihim ng Agham, “matagal nang inaasam ng mga pamilya ng biktima sa Kananga at ang mga syentista na maresolba ang kasong ito. Pero hanggat hindi nakukulong ang mga maysala, mananatiling hindi ligtas sa kasalukyang kultura ng kawalang pakundangan (ang mga syentista).”

Maging ang Commision on Human Rights ay kumbinsidong nagkaroon ng paglabag sa karapatang-tao. Bagaman nagrekomenda ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa 19th IB at kay Lt. Col. Federico Tutaan, na noo’y pinuno nito, wala pa ring nakukulong sa kanila.

“Ang hindi resolbadong kaso ng pagpaslang sa Kananga 3 ay magpapalalim lamang sa kawalang-tiwala ng mamamayan sa gubyerno sa pangangalaga nito sa karapatang-tao at pagbibigay-hustisya sa karumal-dumal na mga krimen,” ani Yang.

AB: Hustisya para kay Leonard Co, patuloy na ipinananawagan