Hustisya para namatay na estudyanteng mga basketbolista ng ADMU, ipinanawagan
Naglunsad ng programa at nagtirik ng kandila ang mga progresibong grupo at estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa kampus sa Quezon City noong Hunyo 10 para manawagan ng hustisya sa pagkamatay ng dalawang basketbolista ng Ateneo Men’s Basketball Team. Ang mga atletang sina Rene Baterbonia at Divine Adili ay nasawi matapos malunod sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 sa gitna ng treyning at aktibidad ng tim sa basketbol.
Sa pangunguna ng League of Filipino Students (LFS)-Katipunan, nanawagan ng hustisya at katotohanan ang mga estudyante ng ADMU sa pangyayari. Hinamon nila ang administrasyon ng unibersidad na maging tapat sa publiko at panagutan ang mga kakulangan nito.
“Dapat isagawa ang mas malalim na imbestigasyon at transparent na pag-uulat sa sinasabing team-building na aktibidad na pinahintulutan ng unibersidad at ang mga kasunod na pangyayari na humantong sa pagkamatay ng dalawang estudyanteng atleta,” pahayag ng LFS-Katipunan. Kinakailangan umano itong gawin ng unibersidad laluna sa paglutang ng mga pahayag ng mga dating atleta ng ADMU na nagpapatupad ito ng “matitinding porma ng treyning” na nagsasapanganib sa buhay ng mga estudyanteng atleta.
Ayon sa grupo, hindi lamang umano dapat magnilay ang administrasyon sa hindi makatao at ignoranteng mga praktis na itinuring nitong normal sa loob ng unibersidad kundi dapat repasuhin ang pangkabuuang pagturing nito sa mga estudyante. “Nakatingin ang lahat sa inyo ngayon, Ateneo,” ayon sa LFS-Katipunan.
Noong Hunyo 11, naglabas ng isang pahayag ang mahigit 160 mga guro at propesor ng ADMU na nananawagan ng hustisya at pananagutan sa administrasyon. Hinimok nila ang unibersidad na magpahayag ng makatao at sinserong pagdadalamhati at paumanhin sa pamilya ng mga biktima.
Labis ang pagkadismaya at galit ng mga magulang nina Baterbonia at Adili sa kawalan ng transparency at pananagutan sa nangyari sa kanilang mga anak. Bumuhos ang suporta ng publiko sa dalawang pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Isports bilang malaking negosyo
Lagpas sa naganap na insidente, ipinahayag ng tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan na si Teddy Casiño na ang matitinding treyning sa basketbol at isports sa mga unibersidad ay bunga ng matinding komersyalisasyon dito. Aniya, ang isports sa kolehiyo na isang ekstrakurikular na aktibidad ay naging isang ganap na negosyo na pinagkakakitaan ng malalaking midya, isponsor na mga korporasyon, patalastas at maging pagsusugal.
Dagdag niya, halos katumbas na ng mga isports sa kolehiyo ang mga propesyunal na liga kung saan humahanap ang mga unibersidad ng mga manlalaro mula pa sa buong bansa at ibayong dagat. “Humahantong ito sa pagbebenta ng mga kabataan sa kanilang talento sa may pinakamalaking alok,” ayon kay Casiño.
Paliwanag ni Casiño, dahil itinuturing na ang mga estudyanteng atleta bialng propesyunal sa halip na amatyur ay napakalaki ng presyur na inilalagay nito sa kanila. Lagpas-lagpas umano ito sa kung ano ang inaasahan sa isang kumpetisyon sa eskwelahan.
“Kaya naman, sina Rene, Divine at kanilang mga pamilya ay mga biktima hindi lamang ng malagim na trahedya kundi ng komersyalisadong sistemang pinatatakbo ng elite na mga eskwelahan, kanilang mga patron, at ang walang kabubusugang industriya ng isports,” pahayag ni Casiño. Pagdidiin niya, ang kontekstong ito ang nagpapatunay na hindi lamang ito trahedya para sa mga biktima o ng kanilang mga kaklase, kundi ng buong bayan.