Balita

Hustisya para sa namatay na bilanggong pulitikal mula Quezon, ipinanawagan

,

Pananagutan at hustisya ang panawagan ng Tanggol Quezon sa pagkamatay ng isang maysakit na bilanggong pulitikal mula sa Quezon noong Disyembre 25, 2024. Ayon sa grupo, dahil sa kriminal na kapabayaan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, inatake ng stroke at binawian ng buhay si Hilario de Roxas, isang magsasakang mula Catanauan, Quezon.

Si De Roxas ay isang senior citizen na may iniindang hypokalemia (kondisyon kung saan bumababa ang potassium sa katawan), pneumonia, at hypertension. Inaresto siya ng mga pulis at sundalo sa General Luna, Quezon, noong Pebrero 12, 2020 sa mga kasong kriminal na ayon sa Tanggol Quezon ay pawang gawa-gawa.

Inilipat siya sa NBP noong September 30, 2024 mula sa pagkakakulong sa Gumaca District Jail at Quezon District Jail (QDJ) sa bayan ng Pagbilao. Ayon sa grupo, habang nakapiit si de Roxas sa QDJ ay inatake na siya ng mild stroke at nagkaroon ng iba’t ibang komplikasyon sa kalusugan.

“Sa halip na pagtuunan ng agarang lunas, patuloy pang nadagdagan ng patong-patong na kasong walang basehan ang kanyang hinaharap,” anang grupo. Sa kabuuan, hindi bababa sa 14 na kaso ang isinampa laban sa kanya.

Paulit-ulit na isinantabi ng pamunuan ng mga kulungan ang kalagayan at hinaing ni De Roxas hinggil sa kanyang lumalalang kondisyon. Maging ang pagsisikap ng mga paralegal na magbigay ng suporta at serbisyo sa kanya ay hinarang ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

“Kasabay ng aming pakikiramay sa pamilya at mga kaanak ni De Roxas, mariin naming kinokondena ang kriminal na kapabayaan ng NBP at BJMP sa kanyang pagkamatay,” ayon sa Tanggol Quezon. Pagdidiin ng grupo, ang sinapit ni de Roxas ay patunay ng malupit at hindi makataong pagtrato ng estado sa mga bilanggong pulitikal.

“Ang tibay at tapang ni Hilario de Roxas sa harap ng pang-aapi ng estado ay isang inspirasyon sa patuloy na pakikibaka para sa katarungan,” pagpupugay ng Tanggol Quezon.

Si De Roxas ay kabilang sa mga nakaligtas Guinayangan Massacre noong Batas Militar ng diktadurang US-Marcos. Matapos noon ay tuluy-tuloy siyang nakibaka at nakiisa sa pagtataguyod ng tunay na repormang agraryo at karapatang-tao sa Quezon.

AB: Hustisya para sa namatay na bilanggong pulitikal mula Quezon, ipinanawagan