Hustisya sa Ampatuan Massacre, sigaw ng mga mamamahayag at kabataan
Naglunsad ng protesta ang iba’t ibang mga organisasyon ng mamamahayag at kabataan ngayong araw para gunitain ang ika-13 anibersaryo ng Ampatuan Massacre at igiit ang hustisya. Isinagawa ang programa sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City.
Ang Ampatuan Massacre ay naganap noong November 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao na kumitil sa buhay ng 58 tao, kabilang ang 32 mamamahayag. Tinagurian itong na pinakamadugong pag-atake sa mga mamamahayag sa buong mundo.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), hindi pwedeng ibaon nila at ng mga kapamilya ng biktima sa limot ang masaker. Patuloy nilang giit ang hustisya sa mga minasaker.
Noong 2019, nakamtan ng mga pamilya ng biktima ang paunang hustisya nang mahatulan ang 28 indibidwal kabilang ang mga mastermind ng krimen na sina Datu Andal Jr at Zaldy Ampatuan ng 57 bilang pagpaslang. May 15 iba pang nahatulan sa pagiging accessory sa mga pagpaslang. Gayunman, pagbabahagi ng NUJP, nananatiling 83 akusado pa ang hindi nahuhuli.
Nagdaos ngayong araw ng misa para sa mga kaanak ng biktima sa General Santos City. Ayon sa NUJP, patuloy ang kanilang pakikiisa at suporta at paninindigan na magpatuloy sa pagtugaygay at pag-uulat sa kaso hanggang makamtan ng mga pamilya ang buong hustisya na kanilang dapat matamasa.
Lumahok sa protesta sa UP Diliman ang mga grupong Altermidya, mga kabataang mamamahayag ng College Editors Guild of the Philippines at Union of Journalists of the Philippines-UP Diliman.
Pagtatapos ng NUJP sa pahayag nito, sa harap umano ng kultura ng kawalang pakundangan sa pag-atake sa midya ay tumatatag ang kanilang loob dahil sa pagkakaisa sa kanilang hanay at iba pang tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag.
Naglunsad din ng protesta kanina ang mga alagad ng midya sa pangunguna ng Altermidya-Panay sa Iloilo City. Nagtipun-tipon din at nagtirik ng kandila ang mga mamamahayag sa UP Los Baños, Bacolod City, Cagayan de Oro City at Valencia City sa Bukidnon.