Sa ika-31 World Press Freedom Day: 135 insidente ng pag-atake sa midya, naitala sa ilalim ng rehimeng Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Anim na insidente kada buwan o kabuuang 135 insidente ang naitalang bilang ng pag-aatake sa midya sa ilalim ng rehimeng Marcos mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2024. Ayon ito sa ulat ng mga grupo ng mamamahayag na inilabas kasabay ng paggunita sa taunang World Press Freedom Day kada Mayo 3.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philipines, Center for Media Freedom and Responsibility, at iba pang organisasyon, higit itong mas malaki kaysa sa unang 22 buwan sa poder ng dating rehimeng Duterte. Kabilang sa mga ito ang 75 kaso ng intimidasyon (kung saan mayroong 45 insidente ng red-tagging at 19 kaso ng pagmamanman), 14 kaso ng assault at harassment, at tatlong pagpatay.

Patuloy ding ginagamit ang libel at cyber libel para gipitin ang mga mamahayag sa bansa. Walong mamamahayag ang sinampahan ng mga kasong cyberlibel sa panahong nabanggit. Lima sa kanila ang inaresto. Sa mga insidente ng pang-aatake, 50 ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Pinakamarami ang kasong naitala sa Metro Manila (82), kasunod ang Eastern Visayas (16) at Bicol (8).

Binatikos ng mga grupo ang kawalan ng makabuluhang aksyon ng rehimeng Marcos para itigil ang pang-aatake sa mamamahayag sa bansa. Binanggit din sa ulat na malaon nang binabansagan na “kaaway ng estado” ang mga mamamahayag sa nagdaang mga administrasyon.

Sa taunang World Press Freedom Index na inilalabas ng Reporters Without Borders (RSF), bumaba ng dalawang baitang tungong 134 sa 180 mga bansa sa daigdig ang pwesto ng Pilipinas. Sinusukat ng ulat na ito ang kalagayan ng malayang pamamahayag sa mga bansa at teritoryong sinusuri nito.

Bilang paggunita sa World Press Freedom Day, naglunsad ng protesta ang mga grupo ng mamamahayag pangkampus sa University of the Philippines (UP)-Diliman at ang mga grupo ng mamamahayag sa Boy Scout Monument sa Quezon City noong Mayo 3.

Sa pagkilos ng mga estudyante at mamamahayag sa UP-Diliman, kinundena nila ang mga kaso ng pagpaslang at patung-patong na mga kaso ng paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag sa bansa. Tinalakay rin nila sa protesta ang kalagayan ng kalayaan sa midya na nakapailalim sa malalaking negosyo at makapangyarihang pamilyang pampulitika.

Anila, palulubhain pa ang kalagayang ito ng itinutulak ngayong charter change ng rehimeng Marcos na magpapahintulot sa dayuhang pag-aari sa midya.

Sa protesta sa Boy Scout Circle, sama-samang nagtirik ng kandila ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ipinanawagan nila sa partikular ang pagpapalaya sa bilanggong pulitikal na mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at pagkakamit ng hustisya sa pagpaslang kay Gerry Ortega.

Si Ortega na mas kilala bilang Doc Gerry o Ka Gerry ay pinaslang noong Enero 24, 2011 dahil sa kanyang paglaban sa dambuhala at mapaminsalang mina at korapsyon sa ilalim ng noo’y gubernador ng Palawan na si Joel Reyes.

Si Cumpio ay isang mamamahayag ng Eastern Vista, ang alternatibong midya sa rehiyon ng Eastern Visayas. Iligal siyang inaresto, kasama ng apat pa, noong Pebrero 7, 2020 sa kanilang upisina sa Tacloban City. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms. Matapos ang higit isang taon, sinampahan naman sila ng kasong “terrorism financing.”

AB: 135 insidente ng pag-atake sa midya, naitala sa ilalim ng rehimeng Marcos