Pilipinong mamamahayag, nominado ng Reporters Without Borders

Natatanging Pilipinong mamamahayag si Lady Ann Salem, patnugot ng Manila Today at dating bilanggong pulitikal, sa listahan ng mga nomindao sa 30th Annual Press Freedom Awards ng Reporters Without Borders (RSF) ngayong taon. Kabilang si Salem sa limang mamamahayag at mga midya na nominado sa Independence Prize ng RSF. May kabuuang 15 nominado ang RSF para sa tatlong magkakaibang kategorya.

Ang Independence Prize ay iginagawad sa mga mamamahayag, midya o non-government organizations para sa paglaban nila sa panggigipit (sa porma ng pinansyal, pulitikal, ekonomiko o relihiyosong presyur).

Kasama ni Salem sa mga nominado para sa naturang kategorya ang Tolo News mula sa Afghanistan, Omar Radi ng Morocco, Bettie K. Johnson Mbayo ng Liberia, at Bolot Temirov mula sa Kyrgyzstan. Ang RSF Press Freedom Awards ay gaganapin sa Paris sa Disyembre 12.

Ayon sa RSF sa nominasyon kay Salem, “kinakatawan ni Salem ang hinaharap ng pamamahayag sa Pilipinas, isang bagong henerasyon ng mga mamamahayag…”

Si Salem ay kumaharap sa gawa-gawang mga kaso at dinakip noong Disyembre 2020. Nakalaya siya noong Marso 2021 matapos ibasura ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa kanya. Gayunman, nagsumite ng apela ang gubyerno ng Pilipinas sa Court of Appeals noong 2021 para baligtarin ang desisyon ng korte kaugnay ng kaso ni Salem.

Sa kabila ng panggigipit sa kanya, patuloy siyang nagsulat para sa Manila Today, nagbigay ng mga pagsasanay sa pagsusulat at pamamahayag. Liban dito, nagpatuloy rin siya sa pagsuporta sa International Association of Women in Radio and Television at pinamunuan ang pagbubuo ng unang digital safe house para sa kababaihang mamamahayag.

AB: Pilipinong mamamahayag, nominado ng Reporters Without Borders