Mga mamamahayag, di sang-ayon sa panukalang censorship laban sa fake news

,

Hindi sang-ayon ang mga mamamahayag ng National Union of Journalist of the Philippines sa panukalang nakasampa sa Senado na nagbabawal sa “fake news” o pekeng pamamalita.

“Ikinagagalak namin ang talakayan para harapin ang problema ng disimpormasyon at misinformation,” ayon sa pahayag ng NUJP noong Nobyembre 28. “Gayunpaman, dapat maging maingat sa pagpapanukala ng mga batas (kaugnay dito) dahil maaari itong magamit sa pagse-censor.”

Ibinigay nitong mga halimbawa ang kaso ng tatlong mamamahayag na sinampahan ng cyberlibel ng mga kinalaban nilang pulitiko, gayundin ang kaso ng isang Facebook user na nagkomento kaugnay sa pagbili ng pribadong jet sa gitna ng pagragasa ng pandemya. Isang alternatibong istasyon ng radyo (Radyo Natin Guimba) ang kinasuhan din ng cyberlibel ng lokal na gubyerno dahil sa ulat nito kaugnay sa tugon ng huli sa pandemya.

Ibinahagi ng NUJP ang isang pananaliksik na ginawa noong Enero 2021 na nagsabing marami sa mga estado sa Southeast Asia ang nagsasagawa ng “legislative opportunism” kung saan ginamit ng mga gubyerno ang “panic” kaugnay sa disimpormasyon para ipailalim sa kanilang kontrol ang digital environment.

“Kinikilala namin ang resolusyon ng UN Human Rights Council noong Abril 2022 kaugnay sa ‘fake news’ … at ang negatibong epekto ito sa mga karapatang-tao,” ayon sa grupo. Gayunpaman, idiiin din sa resolusyon na ito na “hindi dapat gamitin ang pagkundena at pagkontra sa disimpormasyon para magpataw ng mga restriksyon sa karapatang-tao o bigyan-katwiran ang pagse-censor, kabilang ang malalabo at masyadong masaklaw na mga batas para ikriminalisa ang disimpormasyon…”

Sa halip na pag-censor, mungkahi ng NUJP ang pagbubuo ng “independyente, multisektoral at multi-stakeholder na “National Press Council” kung saan ang mga nasa propesyon ng pamamahayag ang mamamahala sa kanilang hanay at pagpapataas sa mga pamantayan at kasanayang propesyunal. Nangangahulugan ito ng pag-oorganisa ng mga mamamahayag sa kanilang mga sarili sa mga “press council” sa antas-syudad at prubinsya na maaari ring magsilbing “alternatibong larangan para resolbahin ang mga potensyal na kasong libel.”

Mungkahi din ng grupo na palakasin ang mga programa para sa literasiyang pangmidya at impormasyon, at magkaroon ng patakaran sa pagresponde sa mga kritikal o di kaaya-ayang balita sa pamamagitan ng mga tugon at paglilinaw (clarificatory statement) at hindi basta-basta na lamang sabihing “peke” o “manipulado” o “gawa-gawa” ang mga ito.

Ang pusisyong ito ay dala ng mga mamamahayag sa pagdinig sa Senado kahapon kaugnay sa Senate Resolution No. 191 na nagpapanukala ng pagbubuo ng ahensya laban sa fake news at kalauna’y pag-amyenda sa Cybercrime Prevention Act ng 2012. Kabilang sa mga resource speaker sa panig ng mga mamamahayag si Prof. Danilo Arao na nagsabing hindi amyenda kundi pagbabasura ang kailangang gawin sa Cybercrime Act.

Dagdag niya na kailangang protektahan ang karapatan sa pamamahayag hindi lamang ng mga mamamahayag, kundi pati ng mamamayan sa balangkas ng citizen’s journalism. Sa pagdinig, tinanggihan ito ni Sen. Raffy Tulfo, na naggiit na dapat gawing batas ang pagpataw ng cyberlibel sa mga “pekeng mamamahayag” at “social media users.” Sang-ayon si Tulfo sa pagdekriminalisa sa cyberlibel pero para lamang sa mamamahayag sa tradisyunal na midya.

Bilang pagtatapos, iginiit ng NUJP ang pahayag ng democracy.net.ph na nagsabing, “Ang tanging katanggap-tanggap (alinsunod sa konstitusyon) na paraan sa paglaban sa fake news at disimpormasyon ay ang mas agresibong pagpapalaganap ng makatotohanang balita at impormasyon.”

 

AB: Mga mamamahayag, di sang-ayon sa panukalang censorship laban sa fake news