Ibalik ang mga tahungan, panawagan ng mga mamamalakaya sa Navotas
Nagtungo sa city hall ng Navotas ang mga mangingisda at magtatahong sa ilalim ng Pamalakaya ngayong araw, Marso 14, para igiit sa lokal na gubyerno na pahintulutan silang ibalik ang kanilang mga tahungan. Sa araw ding ito noong nakaraang taon, dinemolis ng gubyerno ang kanilang mga tahungan sa tabing ng “rehabilitasyon” ng Manila Bay. Mahigit 200 tahungan ang dinemolis noong nakaraang taon para bigyan-daan ang 650-ektaryang proyektong reklamasyon ng San Miguel Corporation sa Navotas.
“Habang nakabinbin ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay, dapat pahintulutan kaming muling makapagtayo ng mga tahungan sa aming pangisdaan,” ayon kay Rommel Escarial, presidente ng Pamalakaya-Navotas. Inilabas kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources ang isang pag-aaral na nagpatunay sa pinsala ng reklamasyon sa ekosistema ng Manila Bay.
“Mismong ang DENR ay hindi maitago ang pinsalang dulot ng reklamasyon sa kalikasan. Kaya walang dahilan para patuloy na pagkaitan ng karapatan sa kabuhayan ang mga magtatahong sa Navotas,” ani Escarial said.
Binatikos ng mga magtatahong ang patuloy na pagtanggi ng lokal na gubyerno na bigyan sila ng permit para muling makapaghanapbuhay. Mahigit 1,000 magtatahong at iba pang manggagawa sa tahungan ang napinsala ang kabuhayan.