Ibasura ang Maharlika Investment Fund

,

Iginiit ngayong araw, Oktubre 18, ng mga pambansa-demokratikong organisasyon at progresibong partido sa Kongreso ang kagyat na pagbabasura sa Maharlika Investment Fund (MIF), matapos ianunsyo ng Malacañang na ipinag-utos ni Marcos ang suspensyon sa pagpapatupad nito para diumano “repasuhin” ang mga alituntunin sa pagbubuo nito.

Inilabas ni Marcos ang kautusan ilang araw matapos magpahayag ang Land Bank at Development Bank of the Philippines na lubhang hihina ang kanilang pinansyal na katayuan oras na kunin dito ang pondong para sa MIF. Ang Land Bank at DBP, kapwa mga bangkong pag-aari at pinatatakbo ng gubyerno, ang tinukoy na pangunahing pagkukunan ng pondong ng MIF.

“Sa simula pa lang ay sablay na talaga ang Maharlika Investment Fund dahil wala namang tayong excess fund (sobrang pondo) para dito,” bwelta ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro. “(M)ula pa sa pera ng bayan ang ipopondo dito sa halip na gamitin sa mga batayang serbisyo para sa mamamayan. Pangatlo, maski ang sertipikasyon dito bilang urgent ay di sumunod sa proseso. Pang-apat, mga hihirangin pa din ng pangulo ang mamamahala dito at bukas ito sa korapsyon.”

“Ang biglang suspensyon sa Maharlika ay dapat magpaalala sa mga mambabatas na bigyan-pansin ang paggawa ng mga batas na makabebenepisyo sa mamamayan, tulad ng pagsasabatas ng pagtaas ng sahod, at halip na maging sunud-sunuran sa mga panukalang inilalako ng ehekutibo,” ayon naman sa grupong Bayan.

Matatandaang tanging ang mga partidong kaanib sa Makabayan at iilang kongresistang mula sa tradisyunal na oposisyon ang bumoto laban sa MIF. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng maraming sektor, kabilang ang mga akademiko, sa pagbubuo ng MIF ng anila’y gagamitin lamang sa korapsyon ng pamilyang Marcos at kanilang mga pinaborang negosyo.

AB: Ibasura ang Maharlika Investment Fund