Balita

Iba't ibang sektor, muling nakibahagi sa Black Friday Protest

Muling naglunsad ng mga piket at pagkilos ang iba’t ibang sektor noong Oktubre 24 bilang bahagi ng lingguhang Black Friday Protest laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos. Lumahok sa protesta ang mga grupo ng manggagawa, maralitang-lunsod, magsasaka, at kabataang estudyante mula sa Metro Manila, Laguna at Albay.

Nakasuot ng kulay itim na damit ang mga nagrotesta bilang porma ng indignasyon laban sa korapsyon. Malinaw ang panawagan ng pambansang protesta kada Byernes para sa pananagutan, hustisya at pagpapakulong sa lahat ng mga korap na upisyal na patuloy na nandarambong sa pondo ng bayan sa harap ng krisis sa ekonomya.

Sa Metro Manila, pinangunahan ng United People Against Corruption (UPAC) at mga alyadong organisasyon nito ang mga protesta sa limang syudad. Inilunsad ang mga pagkilos sa Maynila, Quezon City, Pasig City, Taguig City at Valenzuela City.

Apat ang sentro ng pagkilos sa Quezon City. Pinangunahan ng University of the Philippines (UP)-Diliman University Student Council at mga progresibong organisasyon ng mga kabataan ang protesta sa Philcoa sa kahabaan ng Commonwealth.

Isang protesta rin ang ikinasa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Quezon City sa National Housing Authority, Elliptical Road. Nagkaroon din ng piket sa Novaliches Bayan sa araw na iyon. Nagpiket rin ang Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa Katipunan-Aurora Terminal.

Nangalampag rin ang alyansang Sulong Manileño, Korapsyon ay Labanan (Sumiklab) sa Baseco at Aroma sa Maynila. Pinamunuan naman ng grupo ng kababaihan na Gabriela-National Capital Region ang protesta sa Pasig at ng UPAC-Camanava ang piket sa Tullahan River, Marulas, Valenzuela City.

Sa Taguig City, nagulantang ang mga gwardya ng compound kung saan nag-uupisina ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pagsugod at biglaang protesta ng mga progresibong grupo sa araw na iyon. Kinundena nila ang kainutilan ng ICI at ng rehimeng Marcos na panagutin ang mga tiwaling upisyal ng gubyerno.

Itinuring ng UPAC na matagumpay ang protesta dahil sa paglahok dito ng iba’t ibang grupo. “Manggagawa, kabataan, kababaihan, kapamilya at komunidad ang nagkaisa upang ipanawagann na singilin, panagutin at pagbayarin ang mga tiwaling opisyal!” pahayag ng UPAC.

Sa mga programa sa Metro Manila, hinikayat ng UPAC at mga alyadong organisasyon nito ang mga mamamayan na makiisa at lumahok sa isasagawa nitong Lakbayan ng Mamamayan labansa korapsyon sa Nobyembre 7. Isasagawa nila ito sa pambansang kabisera. “Sama-sama nating ipakita ang lakas ng taumbayan laban sa katiwalian!” anito.

Sa Laguna, inilunsad ng mga unyon ng manggagawa sa Wyeth Philippines at Yakult Philippine Incorporated ang kani-kanilang piket sa pagawaan bilang bahagi ng Black Friday Protest. Ang dalawang unyon ay myembro ng pederasyong Drug, Food and Allied Workers Federation ng Kilusang Mayo Uno.

Ayon sa Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU), panawagan ng mga manggagawa na itigil na ang kasalukuyang pambabarat sa sahod sa Wyeth, kasabay nito ay panagutin ang mga kawatan sa gubbyerno. “Tax namin para sa taumbayan, hindi para sa mga kawatan!” ayon sa mga manggagawa.

Sa Albay, nagsama-sama ang grupong Albay Movement Against Corruption (AMAC), Bunyog, Kilusang Magbubukid ng Bicol at Bayan-Bicol sa buong araw na mga piket at protesta noong Oktubre 24.

Bahagi ng pagkilos ng mga Bicolano ang motorcade sa Legazpi City at Daraga City. Nagpiket sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol Regional Office para kalampagin ang ahensya. Pinagbabato ng mga raliyista ng itlog ang malaking tarpolin na may mukha ng mga Bicolanong sina Sen. Chiz Escudero at dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na nadadawit sa katiwalian.

Nagprotesta rin sila sa upisina ng Construction Firm, Sunwest Inc na pag-aari ni Ako Bicol Representative Zaldy Co sa Barangay Bogtong. Nagtapos ang pagkilos ng mga grupo sa isang programa sa Peñaranda Park sa Legazpi City.

Ang Black Friday Protest ay linggu-linggong protesta na inilulunsad ng mga grupong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), grupong nanguna sa 100,000 kataong protesta sa Luneta Park, Maynila noong Setyembre 21 at demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong tao noong Oktubre 21. Ikakasa ng KBKK ang mas malaki pang rali kontra korapsyon ng rehimeng Marcos sa Nobyembre 30.

AB: Iba't ibang sektor, muling nakibahagi sa Black Friday Protest