Ika-2 taon ng pagkamartir ni Ka Joma, ginunita sa The Netherlands
Naglunsad ng aktibidad ang pamilya, mga kasama at kaibigan ni Kasamang Jose Maria Sison noong Disyembre 15 sa Utrecht, the Netherlands para gunitain ang ikalawang taon ng kanyang pagkamartir. Pinangunahan ang pagtitipon ng JMS Legacy Foundation na may temang “Ang Gabay: Pag-alala at pagpapatuloy sa legasiya ni Jose Maria Sison.” Para makalahok ang ibang mga kasama mula sa Pilipnas, kasabay na inilunsad ang isang online na pagtitipon sa araw na iyon.
Nagsilbi bilang pangunahing tagapagsalita sa naturang programa si Ka Julie de Lima, tagapangulo ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines at balo ni Ka Joma. Itinampok niya sa kanyang talumpati ang mahabang panahon nilang magkasama bilang mga rebolusyonaryo mula sa kanilang kabataan hanggang sa kilusang lihim at buhay distyero. Nagbahagi rin si Ka Julie ng mga mahahalagang punto sa kasaysayan ng pakatatag ng Partido at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Nagbigay rin ng parangal at talumpati si Ka Louie Jalandoni sa aktibidad. Naging tampok sa kanyang talumpati ang tamang landas na tinahak ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at ng kasalukuyang pagwawasto na ipinanawagan ng Komite Sentral ng Partido. Aniya, layunin ng mga ito na bakahin at iwasto ang maling mga tendensya na sumasagka sa pagsulong ng rebolusyon.
Liban sa dalawa, iba’t ibang henerasyon, mga beterano at batang aktibista ang nagbigay ng kani-kanilang parangal kay Ka Joma. Ilan sa kanila sina Ka Judy Taguiwalo na naging bahagi ng Sigwa ng Unang Kwarto, Mhing Gomez, ang pambansang tagapagsalita ng Anakbayan, akademiko at guro na si Sarah Raymundo, Azra Sayeed, ang pangkalahatang kalihim ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) at isang kabataang kababaihang organisador ng mga manggagawa sa US. Itinampok nila sa kanilang mga talumpati at parangal ang naging mga ambag ni Ka Joma sa kani-kanilang linya ng gawain at karanasan bilang mga aktibista.
Naging bahagi rin ng pagtitipon ang upisyal na pagpapakilala sa JMS Legacy Foundation. Ipinaliwanag ng executive director nito na si Dan Borjal ang layuning ipreserba at ipagpatuloy ang rebolusyonaryong legasiya ni Ka Joma. Aniya, magsisilbing balon ang proyekto ng mga materyal ng mga sulatin at likha ni Ka Joma bilang karagdagan sa mayamang baul ng mga araling Marxismo-Leninismo-Maoismo.