Ika-2 taong anibersaryo ng pagpaslang sa New Bataan 5, ginunita

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginunita ng mga grupo ng kabataan, pambansang minorya at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang ikalawang taong anibersaryo ng pagpaslang ng militar sa dalawang guro ng Lumad na sina Chad Booc at Jurain Ngujo, development worker na si Elegyn Balonga, at kasama nilang dalawang drayber na sina Tirso Añar at Robert Aragon. Kinilala bilang New Bataan 5 ang lima na dinakip, walang kaabog-abog na pinatay at pinalabas na mga Pulang mandirigmang napatay sa engkwentro sa New Bataan, Compostela Valley (ngayon ay Davao de Oro) noong Pebrero 24, 2022.

Sa Davao City, naglunsad ng protesta at nagsindi ng mga kandila sa Freedom Park ang mga grupong kabataan at kanilang mga tagasuporta para ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng masaker sa New Bataan.

“Dalawang taon nang nag-aastang bingi at bulag ang berdugong militar sa kanilang krimen sa pagmasaker sa New Bataan 5,” pahayag ni Beverly Gofredo, tagapagsalita ng Anakbayan Southern Mindanao Region. Kinilala ang New Bataan 5 sa kanilang pakikibaka para sa karapatan ng mga Lumad para sa lupa at kalikasan.

Anang mga kabataan, ang mga naipong ebidensya ay nagpatunay na hindi napatay sa isang engkwentro ang lima. Sa halip, brutal silang pinahirapan bago tagain at barilin ng mga pasistang sundalo.

Ayon kay Gofredo, hindi “isolated case” ang sinapit ng New Bataan 5, laluna mula pirmahan ni Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 70 na nagbuo sa pasistang makinaryang NTF-Elcac. Patuloy na umiiral ang ahensyang ito at sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos, lalupang lumala ang mga atake laban sa mga aktibista, unyonista, mamamahayag, tagapagtanggol sa karapatang-tao at iba pa.

“Hindi naiiba ang pagmasaker sa New Bataan 5 sa libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang-tao,” ani Gofredo. Panawagan ng kabataan ang kagyat na pagbubuwag sa NTF-Elcac at pagpapanagot sa rehimeng Duterte at Marcos sa malalalang paglabag ng mga ito sa karapatang-tao.

Nanawagan rin ng hustisya ang grupo ng mga pambansang minorya na Katribu. Kinundena nila ang reaksyunaryong estado at mga ahensya nito. Anila, hindi lamang ang New Bataan 5 ang hindi pa nabibigyan ng hustisya kundi pati ang iba pang pambansang minorya na biktima ng pamamaslang ng estado, tulad ng mga biktima ng masaker sa Lianga (2015), masaker sa Tumandok sa Panay (2020) at sa Bloody Sunday at pangalawang masaker sa Lianga na naganap noong 2021.

“Habang pinahihintulutan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang mga proyektong pangkaunlaran sa mga lupang ninuno, tulad sa kaso ng Gened Dam sa Apayao, Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon, at Jalaur Dam sa Iloilo, walang habas naman nitong nilalabag ang mga karapatan ng mga katutubo…,” ayon sa grupo.

Lalupa itong papalalain ng charter change ng rehimeng Marcos, na magpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng mga lupa, kabilang ang mga lupang ninuno. Taliwas na taliwas ito sa ipinaglaban nina Chad at Jurain, at patuloy na ipinaglalaban ng mamamayang katutubo, ayon sa grupo.

AB: Ika-2 taong anibersaryo ng pagpaslang sa New Bataan 5, ginunita