Ika-3 anibersaryo ng Tumandok masaker, ginunita

,

Ginunita ng Katribu o Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at iba pang demokratikong grupo ang ikatlong anibersaryo ng Tumandok masaker noong Disyembre 30. Sa araw na ito noong 2020, koordinadong pinaslang sa mga operasyon ng pulis at sundalo ang siyam na katutubong Tumandok sa mga baryo ng Tapaz, Capiz at Calinog sa Iloilo. Kasabay sa mga pagpaslang ang maramihang pang-aaresto. Hanggang ngayon, wala pa ni isa sa mga salarin ang napaparusahan o nakakasuhan man lamang.

“Magpupunyagi kami sa paghahanap ng hustisya mula sa (noo’y pangulong) Rodrigo Duterte sa masaker sa Tumandok at sa napakarami pang ibang mga inhustisya na idinulot niya sa katutubong mamamayan,” pahayag ng grupo. “Gayundin, pinanagot ng Katribu ang administrasyon ni Marcos Jr sa pagpapatindi ng mga atake sa mamamayang Pilipino, at tuluy-tuloy na mga operasyong nakatuon sa mga katutubong komunidad na lumalaban sa mga programa sa kunwa’y kapayapaan at mga proyektong pangkaunlaran nito.”

Anito, hindi dapat kalimutan ang papel ng SEMPO (Synchronized Enhanced Management of Police Operations) ng pulis sa masaker sa Tumandok, at sa iba pang katulad na mga masaker at pang-aaresto sa katabing isla ng Negros.

Humarap sa matinding panggigipit at pasismo ang mga komunidad ng Tumandok dahil sa kanilang buong-tapang na pagtutol sa Jalaur Mega Dam project na nakatakdang itayo sa kanilang lupang ninuno. Sisirain ng proyektong ito hindi lamang ang kanilang mga komunidad, kundi ang katubigan at kagubatang matagal nang bumubuhay sa mga Tumandok.

Pinuna ng grupo ang presensya ng mga sundalo sa mga katutubong komunidad sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng AFP. Lantarang pambabanta, panggigipit at pang-aabuso ang isinasagawa ng mga ito habang nakakampo sa mga kabahayan o sa mga pampublikong istruktura sa baryo.

AB: Ika-3 anibersaryo ng Tumandok masaker, ginunita