Ika-56 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang ng NDF-Metro Manila sa isang raling-iglap
Nagsagawa ng raling-iglap ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front (NDF)-Metro Manila ngayong araw, Disyembre 23, sa Recto Avenue, Manila para ipagdiwang ang nalalapit na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Gugunitain ng Partido ang ika-56 taon nito sa darating na Disyembre 26 sa gitna ng inilulunsad nitong kilusang pagwawasto.
Sa kabila ng banta ng pasismo at terorismo ng estado, matapang na nagtipon ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM)-Lucille Gypsy Zabala, Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Balangay Marlon Caacbay at iba pang mga lihim na organisasyong nakabase sa pambansang kabisera. Ang PKP, Bagong Hukbong Bayan (BHB), NDF at mga alyadong organisasyon nito ay kabilang sa arbitraryong binansagan na “terorista” ng reaksyunaryong estado.
Sa martsa, nanawagan sila sa mga Pilipino na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa gitna ng tumitinding kahirapan at umiigting na girian sa pulitika ng naghaharing mga uri. Itinanghal nila sa pagkilos ang bandila ng Partido, ng BHB at NDF. Laman ng mga plakard nila ang panawagang sumapi sa hukbong bayan at tumangan ng armas para ibagsak ang bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Binatikos nila ang rehimeng US-Marcos at pagpapakatuta nito sa imperyalistang US, gayundin ang nagpapatuloy na panunupil at paglabag sa karapatang-tao. Kaisa rin sila ng mamamayang Pilipino sa paniningil sa pamilyang Duterte sa kanilang mga krimen sa mamamayang Pilipino.
Pinarangalan din ng NDF-Metro Manila ang mga rebolusyonaryong martir na nagbuwis ng buhay para sa pambansa at demokratikong mithiin ng mamamayan.
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na nagpapalakas ang NDF-Metro Manila at mga alyadong organisasyon nito sa pagrerekrut ng mas maraming kasapi sa rehiyon. Mapangahas, ngunit maingat, nilang itinatatag ang mga balangay sa mga unibersidad, pagawaan, kalye at iba pang lugar ng pagtitipon.