Ika-6 na anibersaryo ng pagkamartir ni Randy Malayao, ginunita ng kabataan
Nagtipon ang mga grupo ng kabataan at estudyante sa University of the Philippines-Visayas (UPV) sa kampus sa Miag-ao, Iloilo at sa UP Los Baños sa Laguna noong Enero 30 para gunitain ang ika-6 anibersaryo ng pagkamartir ni Randy Malayao, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Nagsindi sila ng kandila at nagdaos ng maiksing programa.
Si Malayao ay binaril at pinatay ng dalawang armadong lalaki noong Enero 30, 2019, alas-2:30 ng madaling arawi. Natutulog siya noon sa loob ng isang bus na tumigil sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa UP Visayas, kinilala ng mga organisasyon at estudyante ang mga adbokasiya at pamana ni Malayao. Nagtapos si Malayao sa kursong BS Fisheries sa UP Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences (CFOS). Habang estudyante, nagsilbi siyang punong patnugot ng pahayagan sa kolehiyo na Ang Mangingisda, tagapangulong tagapagtatag ng League of Filipino Students-UPV at naging kasapi ng UP Fisheries Guild at Beta Sigma Fraternity-UPV.
Sa programa, nagbigay ng kani-kanyang mensahe at parangal ang mga kinatawan ng UP Beta Sigma Fraternity-UPV, LFS-UPV, College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Visayas, at UP Fisheries Guild. Pinalakas nila ang panawagan para sa hustisya sa pagpatay ng mga pwersa ng estado kay Malayao.
Liban sa kanyang mga ginampanan sa UPV, nahalal siya bilang bise presidente para sa Visayas ng CEGP mula 1991 hanggang 1994. Maitatalaga siya kalaunan bilang CEGP National Deputy Secretary General.
Kasunod nito ay magiging organisador siya sa hanay ng mga magsasaka at magsisilbing koordineytor ng Bayan Muna Party-list sa Cagayan Valley. Noong 2008, nakulong si Malayao ng apat na taon sa ilalim ng rehimeng Arroyo kung saan ipinailalim siya sa tortyur ng mga pwersa ng estado. Pagkalaya ay naging konsultant pangkapayapaan siya ng NDFP.
Sa UP Los Baños, pinangunahan ng UP Beta Sigma Fraternity-Los Baños ang aktibidad ng paggunita kay Malayao. “Walang pag-aalinlangan naming ipinagmamalaki ang mga Betan na tumugon sa pinakamataas na tungkulin para sa makabuluhang pagbabago at nagbigay ng kanilang buhay para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan,” ayon sa grupo.
Dagdag pa nila, sana ay marami pang sumunod sa yapak ni Malayao at mga katulad niya sa landas ng pagsusulong ng kapayapaan at kasaganaan para sa lahat.