Ikalawang kaso sa droga ni de Lima, ibinasura ng korte

Ibinasura ngayong araw ng isang korte sa Muntinlupa City ang ikalawang kaso sa droga na isinampa laban kay dating senador Leila de Lima. Noong 2022 pa binawi ng pangunahing witness laban kay de Lima sa naturang kaso ang mga testimonya.

Si de Lima ay inakusahang tumanggap ng ₱10 milyon sa naturang kaso mula sa dating hepe na si Rafael Ragos na umanoy nagmula sa iligal na palitan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison. Si Ragos, na pangunahing witness, ay umamin noong 2022 na peke ang kanyang mga alegasyon at pinilit lamang siya na sabihin ang mga ito.

Nauna nang ibinasura ang isang kaso sa droga laban kay de Lima noong 2021. May isang kaso pang kinahaharap ang dating senador.

Bumuhos ang suporta kay de Lima sa pagdating niya sa korte kaninang umaga. Umalingawngaw ang sigaw ng kanyang mga tagasuporta na “Free Leila!” habang inilulunsad ang pagdinig.

Samantala, sa isang pahayag kahapon, ipinabatid ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang suporta nito sa laban ng dating senadora. Nanawagan ang grupo na kagyat na ibasura ang mga kaso ni de Lima at palayain siya sa lalong madaling panahon.

“Ang pagkukulong kay Sen. de Lima sa loob ng anim na taon batay sa bogus, gawa-gawa mga kaso sa droga ay inhustisya sa pinakamasahol na porma,” pahayag ng Bayan.

Anang grupo, pinagkaitan siya ng kanyang mga karapatan, tinanggalan ng kanyang kakayahan bilang nahalal na senador, inusig at ipinahiya ng pinakamatataas na upisyal ng gubyerno. “Ang patuloy niyang detensyon ay patunay ng bulok na sistema ng hustisya sa bansa,” giit nito.

Paliwanag pa ng Bayan, may pananagutan din ang rehimeng Marcos dahil sa mabagal na pag-usad ng kaso ni de Lima sa kabila ng mahinang mga testimonya at paratang sa kanya. Giit nito, “ang detensyon niya ay dahil sa galit nila dating pangulong Duterte at Arroyo, na mga padrino ng kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte.”

“Si Sen. de Lima ay isa lamang sa napakaraming biktima ng gawa-gawang pampulitikang mga kaso sa bansa. Daan-daang tulad niya ang binubulok sa kulungan sa kanilang pagtuligsa at paglaban sa mga abuso at maling gawain ng mga nasa gubyerno,” dagdag ng Bayan.

Anila, dapat pakawalan ang lahat ng mga bilanggong pulitikal laluna ang mga may sakit at matatanda. “Tulad ni Sen. de Lima, nararapat lamang din silang palayain,” pagtatapos ng grupo.

AB: Ikalawang kaso sa droga ni de Lima, ibinasura ng korte