Balita

Ikatlong dekada mula nang binitay si Flor Contemplacion, ginunita sa protesta

,

Naglunsad ng protesta ang Migrante Philippines sa Recto Avenue, Manila kahapon, Marso 17, para gunitain ang ikatlong dekada ng pagbitay kay Flor Contemplacion, isang migranteng manggagawang Pilipino sa Singapore. Kasabay ng patuloy na panawagan para sa hustisya, giit nila sa gubyerno ng Pilipinas na itigil ang patakaran sa sapilitang migrasyon sa ilalim ng labor export policy (LEP) na nagpapahamak sa mga Pilipino.

Si Contemplacion ay isang migranteng manggagawa na pinarusahan ng kamatayan sa Singapore noong 1995. Idinawit sa pagpaslang sa isang kapwa Pilipina na katulong at anak ng isang Singaporean. Binitay siya noong umaga ng Marso 17, 1995.

Nagtulak ng malawakang mga protesta at demonstrasyon kapwa sa Pilipinas at Singapore ang kontrobersyal na pagbitay kay Contemplacion. Kinundena noon ng mga Pilipino ang rehimeng Ramos sa pagpapabaya nito sa mga migrante at pagtutulak sa mga Pilipino na dumayo sa ibayong dagat para magtrabaho.

“Matapos ang tatlumpung taon ng pagbitay kay Flor Contemplacion sa Singapore, nananatili pa rin ang pagpapabaya ng estado sa mga migranteng manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo,” pahayag ng Migrante Philippines. Anang grupo, ang katulad niyang migranteng manggagawa ay patuloy na pinagkakaitan ng estado ng katarungan at tulong hanggang ngayon.

Binatikos ng grupo ang patuloy na pagtutulak ng rehimeng Marcos sa LEP. Anito, nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan, ang pagkakamal ng bilyong-dolyar na remitans mula sa mga OFW. Noong 2024, umabot sa $38.34 bilyon ang pumasok na pera sa bansa dahil sa mga remitans ng mga migrante. Hindi pa kasama rito ang daang-libong ginagastos ng bawat isang OFW para lang maiproseso ang pag-alis nila sa bansa.

Sa huling taya, humigit-kumulang 6,000 na Pilipino ang umaalis sa bansa araw-araw para lang magtrabaho sa ibang bansa. Noong 2024 lamang, umabot sa halos 2.5 milyong Pilipino ang nangibang bansa at itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan.

Dumadanas ang mga migranteng Pilipino sa mga bansang kanilang pinagtatrabauhan ng mga pang-aabuso, mahirap na kalagayan at kundisyon sa paggawa. Kabilang dito ang panganib na hatid ng mga giyerang pinopondohan ng US at mga kasapakat nitong bansa sa Middle East. “Ang mga paghihirap na nararanasan ng mga OFW ay pilit na tinatago ng mga embahada sa ibang bansa, pati na rin ng mga Foreign Recruitment Agency (FRA) na siyang nagpapadala ng mga Pilipino sa mapanganib na sitwasyon,” pagbabahagi ng Migrante Philippines.

Sa okasyon ng anibersaryo ng pagbitay kay Contemplacion, muli ring ipinanawagan ng Migrante Philippines ang kaagad na pagpapalaya at pagbibigay ng clemency kay Mary Jane Veloso. Si Veloso ay nakabalik sa Pilipinas noong Disyembre 18, 2024 matapos ang halos 15 taong pagkakabilanggo sa Indonesia, sa pagpapasok ng iligal na droga. Agad siyang kinasuhan ng Indonesia at mabilis na hinatulan ng parusang kamatayan. Itinakda ang pagpatay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 19, 2015 na napigilan ng mga protesta at pagkilos ng mamamayang Pilipino.

“Ang patuloy na paglabas sa bansa ng mga Pilipino para lang magkaroon ng maayos na buhay ay kanilang pamilya ay palatandaan ng lugmok na ekonomya na dulot ng pagiging import-dependent at export-oriented na tulak ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema,” ayon sa Migrante Philippines.

Pahayag ng grupo, tanging sa pagkakaisa ng mga migranteng Pilipino at kanilang pamilya, kasama ang iba’t ibang demokratikong sektor sa bansa maitutulak ang ganap na pagbabago sa sistemang panlipunan na makapagpapahinto sa sapilitang migrasyon. “Walang ibang solusyon sa patuloy na paghihirap ng sambayanang Pilipino kundi ang paggigiit sa Tunay na Reporma sa Lupa, at Pambansang Industriyalisasyon para hindi na kailanganin pang mapilitan ang mga Pilipino na lumabas ng bansa dahil sa kahirapan,” anang grupo.

AB: Ikatlong dekada mula nang binitay si Flor Contemplacion, ginunita sa protesta