Balita

Imbestigasyon at pagpapanagot sa maysala sa pagguho ng landfill sa Rizal, panawagan ng progresibong grupo

,

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Rizal sa lokal na gubyerno ng Rodriguez, Rizal na agarang magsagawa ng imbestigasyon sa naganap na pagguho ng landfill o tambakan ng basura sa Barangay 1B Harangan noong Pebrero 20 ng hapon. Ayon sa grupo, dapat agarang matukoy ang dahilan ng pagguho ng tambakan at kung sino ang mayroong pananagutan sa insidente.

Sa pinakahuling ulat, hindi bababa sa 100 katao ang naapektuhan ng pagguho, 50 sa kanila ay naiulat na nawawala. Isa sa mga hinihinalang natabunan ng tambak ng basura ang kabataang dating myembro ng Anakpawis Payatas. Walang ginawang agarang reskyu ang munisipyo at barangay matapos ang insidente.

Nagpapataw rin ng blokeyo sa impormasyon para hindi maisiwalat ang trahedya sa publiko, ayon sa Bayan-Rizal. Pinagbabawalan ang midya na makapasok sa lugar ng pagguho at kinukurdon ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc at mga pulis ang lugar. Isang residenteng magbabasura ang nakakuha ng larawan ng lugar at nag-upload sa social media na kalaunan ay pinuntahan ng mga tauhan ng ISWIM at pinabura ito.

Ang tambakan sa Barangay 1B Harangan ay ginagamit na tambakan ng mga syudad at bayan sa National Capital Region kabilang ang Makati, Mandaluyong, Pasig, Pasay, Caloocan, Taguig, Pateros, Marikina, San Juan, Parañaque, Muntinlupa, Valenzuela, at Las Piñas.

“Hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng komunidad para sa negosyo at kapabayaan. Hustisya para sa mga biktima!” panawagan ng Bayan-Rizal.

Bukod sa trahedyang ito, may matagal nang suliranin sa lupa ang komunidad. Inaangkin ang lupa ng New San Jose Builders Inc. (NSJBI) na pagmamay-ari ni Jerry Acuzar, na nagsilbing Secretary ng Department of Human Settlements and Urban Developments mula 2022 hanggang 2025. Noong 2023, naiulat ang tangkang pagsusukat ng lupa sa erya para sa pangangamkam. Malaki rin ang hinala ng mga residente na ang sunog na naganap noong taon na iyon ay sinadya para mapalayas sila.

Nakiisa ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa panawagan para sa pagkakamit ng hustsisya sa mga residente ng Barangay 1B Harangan. Nanawagan din ang grupo para sa agarang proteksyon sa kabuhayan at kaligtasan ng mga maralitang mangangalakal, pagtigil sa anumang demolisyon at panggigipit sa komunidad, at pagpapanagot sa lahat ng kumpanyang kumikita sa operasyong naglalagay sa panganib sa buhay ng maralita.

AB: Imbestigasyon at pagpapanagot sa maysala sa pagguho ng landfill sa Rizal, panawagan ng progresibong grupo