'Impeach Sara,' sigaw ng kabataan sa rali sa Quezon City
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kasapi ng Anakbayan sa Quezon City noong Disyembre 8 para ipanawagan ang pagtatanggal kay Sara Duterte bilang bise presidente. Kasabay nilang iginiit ang pagpapanagot kay dating pangulong Rodrigo Duterte para sa mga krimen nito sa kabataan at sangkatauhan, at paniningil kay Ferdinand Marcos Jr sa inutil at bulok na pamamalakad sa gubyerno.
“Kinurakot ni Sara Duterte ang kaban ng bayan para punuin ang kanyang bulsa at supilin ang kabataan,” pahayag ng Anakbayan. Kabilang ang grupo sa 74 indibidwal at kinatawan ng mga organisasyon na naghain ng isang impeachment complaint o pormal na reklamo sa House of Representatives para alisin sa pwesto si Duterte noong Disyembre 4.
Nakabatay ang reklamo sa “betrayal of public trust” o pagtataksil sa tiwala ng publiko na nakatuntong sa tatlong usapin: 1) ang pag-abuso, maling paggamit at pagwawaldas sa ₱612.5 milyon na confidential funds; 2) sistematikong pagtatakip sa krimen sa pamamagitan ng gawa-gawang mga ulat, resibo at dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA), at 3) sadyang pagharang sa imbestigasyon at pagbusisi ng Kongreso.
Kalakhan ng mga detalye ng pagtataksil na ito ay lumitaw sa mga pagdinig na isinagawa ng Committe on Good Governance and Accountability ng Kongreso na bumusisi sa paggastos ni Sara Duterte sa pondo ng Office of the Vice Presidente (OVP) at Department of Education (DepEd). Naging sentro ng pagdinig ang maanomalyang paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) ng dalawang upisina.
Liban kay Duterte, siningil ng Anakbayan si Marcos. “Habang tuloy ang paglala ng kahirapan dahil sa walang-tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo, iba pang bilihin at pagkaltas ng budget sa mga serbisyong panlipunan, tuloy din si Marcos sa pagsira sa kinabukasan ng mga kabataan,” anang grupo.
Kabilang sa lumahok sa protesta ang mga lider ng balangay ng Anakbayan mula sa Mindanao. Sigaw naman nila ang pagpapanagot sa matandang Duterte dahil sa pagwasak sa kanilang kinabuksan na idinulot ng ilang taon na batas militar sa Mindanao sa ilalim ng kanyang rehimen.
“Determinado ang Anakbayan at mga kasapi at balangay nito sa buong bansa maging sa ibayong dagat na ipaglaban ang ating kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga Duterte at paniningil kay Marcos Jr,” ayon sa grupo.