Balita

Implasyon, sumirit nang 4.4%

Muling sumirit ang implasyon sa bansa mula 3.7% noong Hunyo tungong 4.4% noong Hulyo. Dulot ito pangunahin ng pagbwelo ng mga kumpanya sa kuryente na itaas ang kani-kanilang singil.

Nirendahan ng Energy Regulatory Board noong Hunyo para gawing “staggered” o pautay-utay ang pagpataw ng ₱4/kwh at higit pang pagtaas sa singil sa kuryente na balak noon ng mga kumpanya. Matapos pigilan nang isang buwan, itinuloy na rin itong ipataw simula noong Hulyo, at inaasahang magpapatuloy sa Agosto at Setyembre.

Dalawang beses na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Noong unang linggo ng Hulyo, tumaas ang langis nang hanggang ₱0.95, ₱0.35 at ₱0.65 kada litro sa gasolina, kerosin at diesel. Noong Hunyo 18, tumaas ang presyo ng gasolina nang ₱1.90/litro at ₱2.10 ang diesel at ₱1.80 sa kerosin. Dalawang beses nagkaroon ng maliitang rolbak. Netong resulta, tumaas nang ₱2.25/litrong ang presyo ng gasolina; ₱1.2/litrong sa presyo ng diesel; habang netong bumaba nang ₱1.40 ang presyo ng kerosin.

Pagtaas-pagbaba = netong pagtaas/pagbaba

Liban sa kuryente at langis, mabilis pa ring tumaas ang presyo ng pagkain, laluna ng bigas, sa kabila ng mga pangako at pakanang murang bigas ng rehimeng Marcos. Nasa ₱50.90/kilo pa rin ang abereyds na presyo ng bigas, at hindi ito bababa pa para sa mayorya ng mga Pilipino. Ang mga pakanang programa ng rehimen ay napakalimitado at puro pansamantala lamang. Nakaasa pa ito sa imported na bigas na tuluy-tuloy na pumipinsala sa lokal na produksyon.

Tumaas nang tatlong punto ang implasyon sa pagkain, mula 8% tungong 8.3%. Pinakaramdam ito sa 30% na pinakamahihirap na pamilyang Pilipino dahil malaking bahagi ng gastos ay napupunta dito. Ayon na mismo sa PSA, ang tantos ng implasyon para sa pinakanaghihirap na seksyon ng lipunan ay tumaas mula 5.5% noong Hunyo tungong 5.8%. Ito na ang pinakamataaas para sa kanila ngayong taon. Mas mataas rin ito sa 5.2% na implasyon para sa kanila noong Hulyo 2023.

AB: Implasyon, sumirit nang 4.4%