Balita

Implasyong 7.7%, pinakamataas sa 14 taon

Sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, hindi na nagulat ang masang anakpawis sa pagsirit ng tantos ng implasyon tungong 7.7% noong Oktubre. Sa datos ng gubyerno, pinakamataas ito sa nakaraang 14 taon. Sa ngayon, nasa 5.4% ang abereyds na implasyon sa nakaraang 10 buwan. Malayong-malayo ito sa target ng Bangko Sentral na aabot lamang sa 2-4% ang implasyon ngayong taon.

Ang patuloy na pagtaas sa implasyon ay dulot ng pagsirit pa rin ng presyo ng pagkain at inumin (9.4%), at sa singil sa pabahay, tubig, kuryente, gas at ibang panggatong (7.4%). Lahat ng iba pang produkto at serbisyo ay nagsitaasan din. Tulad sa nakaraang mga buwan, pinakamabilis ang pagsirit ng mga presyo at singil sa rehiyon ng Davao, balwarte ng mga Duterte, na umabot nang 9.8%.

Babala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na ang gayong pagsirit ng implasyon ang magiging kalakaran hanggang walang ginawgawa ang rehimeng Marcos Jr para pigilan ang pagtaas ng presyo ng pagkain, mga produkto at serbisyo.

“Di na kaya at di katanggap-tanggap itong pagsirit ng implasyon,” ayon sa grupo. “Kailangan itaas ang sahod at ibaba ang presyo. Alisin ang buwis sa langis at buwisan ang mga bilyunaryo.”

“Kailangan ng pera at subsidyo ang mga magsasaka. Dapat tigilan ng ng DA ang pagkahumaling sa importasyon at pag-isipang magpatupad ng mga proteksyunistang hakbang para maprotektahan ang mga magsasaka at lokal na agrikultura.”

Dagdag sahod ang panawagan ng kilusang mangagagawa sa gitna ng pagsirit ng implasyon. Dahil sa nagtataassang presyo, nasa ₱494 na lamang ang tunay na halaga ng sahod sa NCR na ₱570.

Binatikos ng Ibon Foundation ang tugon ng estado na pagtataas ng tantos sa interes para rendahan ang dagdag pang pagsirit ng implasyon. Limang beses nang itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang interest rate mula Hulyo, at nakatakda itong muling itaas sa darating na Nobyembre.

Ayon sa grupo, maaari ngang bumagal ang implasyon kung itataas ang interest rates pero maaari rin nitong lalupang magpabagal sa ekonomya, magbunga sa disempleyo at pagpabagsak ng kita ng mga pamilya. “Bumabagal na ang ekonomya, ang nalilikhang mga trabaho ay low-paying (mababa ang sahod) at di pormal, at dati nang di tumataas ang kita ng mga pamilya,” ayon sa grupo.

Ayon sa grupo, hindi angkop na paraan ang pagtataas ng interest rate para agapan ang implasyon. Ito ay dahil hindi nanggagaling ang pagsirit ng presyo sa pagtaas ng demand. (Sa mga kapitalistang bansa, nangyayari na tumataas ang implasyon kapag mataas ang empleyo at maraming hawak na perang panggastos ang mga konsyumer na manggagawa.) Anang Ibon, ang dinaranas na implasyon sa bansa ay dulot ng tinatawag na “cost-push” na mga salik. Ang mga ito ay dagdag sa gastos sa produksyon, na siya namang nagpapataas sa presyo ng mga produkto.

Ang totoo, bumabagal pa nga ang paggasta ng mga pamilya, na makikita sa datos ng estado sa pagliit ng household spending sa nakaraang tatlong kwarto ng taon. (Ang household spending ang suma ng ginagasta ng mga pamilya para sa kanilang mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain, damit, upa, gastos sa enerhiya, transportasyon, durable goods tulad ng kotse, gastos medikal, pagliwaliw at iba pang serbisyo. Kadalasan, binubuo nito ang 60% ng gross domestic product, at sa gayon ay isang esensyal na sukatan ng demand.)

Hindi rin naniniwalan ng Ibon na ang pagtataas ng interest rate ang paraan para rendahan ang pagsirit ng halaga ng piso kontra dolyar.

“Dapat pag-isipan ng estado ang mas direktang mga hakbang,” ayon sa grupo. “Isa rito ang pagtigil sa pagpopondo sa mga proyektong imprastruktura.” Nakaasa ang gayong mga proyekto sa mga imported na materyal at makinarya. Pwede ring umiwas muna sa pagbabayad ng utang sa labas.

Imbes na magtaas lamang ng interest rates, dapat isuspinde o tanggalin ng estado ang mga buwis na nakapatong sa mga kinokonsumong produkto tulad ng VAT at mga excise tax sa langis. “Dagdag dito, dahil kita na ang pagtaas ng implasyon ay tulak ng (pagtaas ng presyo) ng mga pagkain, dapat tugunan ito sa pamamagitan ng pagtaas ng produksyon, pagbebenta at suporta sa lohistika ng mga prodyuser sa kanayunan,” ayon sa grupo.

Dagdag din ang pagtataas ng sahod para itaas ang purchasing power o kakayahang bumili ng mga pamilya, na ayon sa grupo ay lubhang naagnas na dulot ng mga mapangwasak na lockdown sa nakaraan, walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pa. Nariyan din ang pamamahagi ng ayuda para sa pansamantalang alwan ng pinakamahihirap na pamilya.

AB: Implasyong 7.7%, pinakamataas sa 14 taon