Industriya ng langis, dapat managot sa oil spill sa Manila Bay

, ,

Pinanagot ng mga aktibistang maka-kalikasan ang industriya ng langis at ang rehimeng Marcos sa nagaganap na oil spill mula sa lumubog na barkong MT Terra Nova sa Manila Bay. Anila, dapat managot ang mga ito sa pinsalang dala ng fossil fuel sa sistema ng ekolohiya, kabuhayan ng mga komunidad, at kalusugan ng mamamayan.

Ang MT Terra Nova ay may kargang 1.4 milyong litro ng pang-industriyang langis na ibibiyahe sa isla ng Panay. Pangalawang malakihang oil spill na ito sa ilalim ng rehimeng Marcos, kasunod ng paglubog at pagtagas ng langis mula sa MT Princess Empress noong nakaraang taon. Ang MT Terra Nova at MT Princess Empress ay parehong may matagalang kontrata sa Petron Corporation.

Ayon sa mga syentista ng Agham, mapanganib sa kalusugan ng tao ang langis na karaniwaang tumatagas sa mga barko. Naglalaman ito ng mga nakalalasong materyal tulad ng mercury, arsenic at lead. Ang mga ito ay maaring magdulot ng pangangati sa balat, iritasyon sa paghinga at kanser. Hindi rin ligtas ang paglanghap ng hangin mula rito.

Malaki rin ang epekto nito sa kalikasan at saribuhay (wildlife) tulad ng mga ibon at iba pang buhay marino. Sa pangmatagalan, apektado ng iniiwan nitong mga kemikal ang reproduksyon ng mga isda na mangangahulugan ng pagbagsak ng huli ng mga mangingisda kahit wala na ang oil spill.

Naiulat na nagsimula nang tumagas ang langis na karga ng barkong MT Terra Nova noong Hulyo 27, dalawang araw matapos lumubog ito sa Limay, Bataan dahil sa malalakas na hangin at Bagyong Carina. Sa kabila ito ng paulit-ulit na pahayag ng Philippine Coast Guard na magiging madali ang pagkuha ng kargang langis dahil relatibong mababaw at malapit sa baybay ang lumubog ang barko. Hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ng PCG ang pagsisip ng langis mula sa barko.

Iniulat ngayong araw ng Pamalakaya na umabot na ang tagas sa baybay ng Tanza, Cavite, na 12-14 kilometro ang layo mula sa lumubog na barko.

“Nangyari na ang aming kinatatakutan; ang kumalat ang langis sa kalakhan ng Manila Bay at maperwisyo ang kabuhayan ng maraming mangingisda,” pahayag ni Ronnel Arambulo, pangalawang tsirman ng grupo. “Dito lamang sa bayan ng Tanza, tinatayang mahigit 5,000 mangingisda ang maaapektuhan kung hindi agarang maaapula ang kumakalat na langis.”

Sa ulat naman ng Greenpeace Philippines, umabot na ang tumagas na langis sa Hagonoy, Bulacan. Nagsagawa ang grupo ng imbestigasyon kahapon, Hulyo 28, sa Isla Tibagin para kumpirmahin ang naiulat ng mga mangingisda. Walang nasalubong ang grupo na barko ng PCG sa lugar na nagmamatyag sa oil spill sa lugar.

Sa huling mga ulat, tanaw na rin ang tumagas na langis mula Barangay Pamarawa sa Malolos, Bulacan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang pinakamasamang maaring mangyayari kung di maagapan ang oil spill ay pinsala sa kabuhayan ng 19,000 mangingisda sa Bulacan at Cavite. Sa taya ng ahensya, mawawalan sila ng kita nang hanggang ₱152 milyon kada buwang hindi sila makapangisda. Maari namang umabot sa ₱7.6 milyon kada buwan ang mawawala sa mga mangingisda sa Pampanga. Malaki ang epekto nito sa suplay ng pagkain sa Central Luzon at Metro Manila. Ngayon pa lamang, ipinagbawal na ng PCG ang pangingisda sa buong Manila Bay.

Dagdag pang problema ang paglubog ng isa pang barko na kinilala bilang “MTKR Jason Bradley” malapit sa baybay ng Mariveles, Bataan noong Hulyo 27. Wala itong kargang langis pero tumagas na ang diesel na ginagamit nito.

AB: Industriya ng langis, dapat managot sa oil spill sa Manila Bay