Internasyunal na makataong batas, giit na igalang sa harap ng mga operasyon ng AFP sa Apayao
Nanawagan ang Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan at igalang ang karapatang-tao at internasyunal na makataong batas (IHL) sa harap ng naiulat na sunud-sunod na engkwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Apayao. Sinasabing naganap ang apat na labanan sa Barangay Maragat, Kabugao noong Abril 5, 7 at 10.
Inianunsyo mismo ng 5th ID at ng Joint Task Force Tala sa ilalim ng Philippine Army Nothern Luzon Command (Nolcom) ang paggamit nito ng malalakas na klase ng armas pandigma kabilang ang mga helikopter at jet fighter.
Nagpahayag ng pagkaalarma ang CHRA sa mga operasyong militar na ito at sa posibleng epekto ng mga ito sa sibilyang komunidad. “Hinihimok namin ang lahat ng mga sangkot na partido na mahigpit na tumalima at itaguyod ang mga prinsipyo ng IHL at mga prubisyon ng Comprehensive Agreement on the Respect for Humanitarian Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL),” anang grupo.
Ayon sa karagdagang atas ng Nolcom, pinakikilos nito ang pinakaraming yunit ng militar para sa focused military operation (FMO) sa layuning durugin ang sinasabi nilang “nalalabing pwersa” ng BHB sa Northern Luzon. Inatasan din nito ang lahat ng mga yunit na magtayo ng “estratehikong blokeyo,” palakasin ang ugnayan sa Philippine National Police at maging sa mga medikal na pasilidad, at iba’t-ibang ahensya laban sa hukong bayan. Kasabwat din ng AFP ang alkalde ng Kabugao sa “pagpapasurender” sa mga Pulang mandirigma ng BHB.
Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang nagpapatuloy na operasyong militar sa Apayao. Ayon kay Marco Valbuena, pinunong pang-impormasyon ng Partido, “malawakang takot ang idinudulot ng walang-habas na pambobomba at panganganyon sa Kabugao, na nagsasapeligro sa buhay at ari-arian ng masa.” Ani Valbuena, “malinaw na tinatarget ng pambobomba ang mga lugar na malapit sa mga sibilyang komunidad upang sindakin ang masang magsasaka at iba pang anakpawis sa layuning paluhurin sila sa kapangyarihan ng militar at gayo’y alisan ng suporta ng BHB.”
“Sa malawak at malalim na suporta ng masang magsasaka at katutubong mamamayan sa Apayao at iba pang bahagi ng rehiyon, nagtitiwala kami na makalalabas sa malupit at brutal na pagkukubkob ng AFP ang mga rebolusyonaryong mandirigma, upang patuloy na ipagtanggol ang masang api sa Cordillera at paglingkuran ang kanilang interes,” ayon kay Valbuena.
Dagdag pa niya, “Tiyak na mabibigo ang AFP sa kanilang pasistang buktot na plano na gupuin ang rebolusyon sa Cordillera.”
Samantala, idiniin ng CHRA na dapat paalalahanan ang AFP sa mga obligasyon nito na igalang at itaguyod nag karapatang-tao at IHL sa lahat ng pagkakataon laluna at batbat ito ng rekord ng malulubhang paglabag sa karapatang-tao laban sa mga sibilyan at hors de combat.
“Dapat nilang iwasan ang paggamit ng labis-labis na pwersa, laluna sa mga erya na maraming tao, at tiyakin na ang mga operasyong militar ay hindi nagsasapanganib sa mga sibilyang buhay o lumalabag sa kanilang karapatan,” dagdag pa ng CHRA.
Nanawagan ang grupo sa mga ahensya ng gubyerno tulad ng Commission on Human Rights, lokal na gubyerno ng Apayao at mga makataong organisasyon na bantayan ang sitwasyon at kumilos para tiyakin ang karapatan ng mga komunidad. Hinimok din nila ang mga residente ng Apayao na iulat ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao kaugnay ng mga operasyong militar para matugunan ang mga ito.