Ipinagmalaki ng AFP na 18 "surenderi" sa Cagayan, pawang mga sibilyan
Mariing kinundena ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) ang 5th Infantry Division, pulis at RTF-Elcac sa isa na namang pagparada ng mga sibilyan bilang mga “surenderi.” Pinabulaanan nito na mga kombatant o aktibong kasapi ng anumang yunit ng BHB sa rehiyon ang mga sibilyang sinabi nilang sumuko mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Nitong Marso, 18 magsasaka (dalawang babae, 16 lalaki) ang ipinresinta ng estado bilang mga “surenderi” at “nagsuko ng mga armas.” Ayon sa pulis, kalakhan sa 18 na naging “myembro” o “supporter” diumano ng BHB ay aktibong kumilos noong dekada 1990. Katulad sa mga “nanlaban” sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga, kapansin-pansin ang iskrip na iisang klase lamang ng armas ang kanilang “isinuko”–ang kanilang mga home-made o improvised shotgun (tinatawag na “one pong”).
“Katulad ng mga nakaraang presentasyon ng AFP-PNP sa mga pekeng surenderi, ang huli ay mga magsasaka at sibilyan,” ayon kay Elias Almazan, upisyal sa pulitika ng BHB-Cagayan Valley. Posible ring gawa-gawa lamang ang pagkakakilanlan ng 18 na itinago sa likod ng mga alyas na Totoy, Boboy, Loloy, Popoy, Dodong, Dading at iba pa. Katulad ito sa gawa-gawang engkwentrong kung saan nakasamsam diumano ng mga armas at kagamitan, ayon kay Almazan.
Iniharap ng militar ang naturang mga “surenderi” isang linggo matapos sabihin ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA-Region 2) na hindi ito “magkakampante” dahil may kakayahan pa rin umano ang BHB na magpalawak. Nananatili ang lakas-batalyong mga operasyon sa mga baryo, at nagdagdag pa dito kamakailan ng bagong mga sundalo. Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng militar na “wala nang insurhensya” sa tatlong lalawigan ng Cagayan.