Isa sa mga nasugatan sa pamamaril ng pulis sa demolisyon sa Angeles City, namatay matapos ang 3 buwan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinabatid ngayong araw, Hunyo 12, ng Anunas United Farmers, Settlers, and Descendants Association Inc. (AUFSDAI) ang pagkamatay ni Gregorio Navarette, isa sa mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City na nasugatan sa pamamaril ng mga pulis. Namatay siya dulot ng impeksyon sa bituka bunga ng tama ng bala na dahilan ng kanyang pagpapabalik-balik sa ospital at kalauna’y pagpanaw. Nasugatan siya noong Marso 12 sa pamamaril ng mga pulis at maton ng Clark Hills Properties Corporation habang dinedemolis nila ang Sityo Balubad.

Liban kay Navarete, apat pa ang nasugatan nang salakayin ng mga pulis at maton ang barikadang itinayo ng mga residente ng sityo. Giniba sa demolisyon ang mahigit 500 kabahayan sa 73-ektaryang lupang kinakamkam ng kumpanya. Tinatayang 2,000 residente ang biktima ng pang-aagaw ng lupa.

Itinuring na martir ng Sityo Balubad si Navarette. “Inialay ni Gregorio Navarette ang kanyang buhay para sa Sitio Balubad, kaya ang AUFSDAI ay taos pusong nakikiramay at naggagawad ng pagpupugay sa pamilyang Navarette at kaisa kami sa patuloy na paghahanap ng hustisya,” pahayag ng grupo.

Anang grupo, pananagutan ng Clark Hills at ng PNP-SWAT sa pangunguna ni Department of Agrarian Reform Adjudication Board Sheriff Elizabeth Marasigan ang pagkamatay ni Navarette.

Unang itinayo ng mga residente ang kanilang barikada noong Oktubre 2023. Dalawang beses na binigo ng pagkakaisa at paglaban ng mga residente ang tangkang demolisyon noong Oktubre 2023 at Pebrero ngayong taon. Tuluyan silang binuwag ng karahasan ng pulis at ng Clark Hills noong Marso.

Ang lupa ay pag-aari ng mga residente at mayroon silang mga certificate of land ownership award (CLOA) at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines. Pinangangambahan ding maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

AB: Isa sa mga nasugatan sa pamamaril ng pulis sa demolisyon sa Angeles City, namatay matapos ang 3 buwan