Isang buong pamilya sa Sorsogon, dinampot ng pulis at militar
Dinampot ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) at 31st IB si Gilberto Tolentino, 50 taong gulang na magsasaka, ang kanyang asawa na si Amelia, 47 taong gulang, anak na si Regine, 21, at kanilang 2 taong gulang na apo noong Abril 17. Kinuha sila ng mga pwersa ng estado sa Barangay San Vicente, Donsol, Sorsogon at kasalukuyang hindi matunton ng mga kaanak.
Ayon sa ulat, tanging si Gilberto ang nais kunin ng mga pwersa ng estado ngunit tumanggi ang kanyang asawa at mga kaanak kung kaya’t sumama silang lahat.
Noong Abril 18, kaagad na pumunta ang ibang kaanak ng mga Tolentino at upisyal ng barangay sa istasyon ng pulis sa Donsol at sa kampo ng militar sa Barangay San Jose para tuntunin ang mga biktima. Sa kabila ng kanilang paggigiit, itinanggi ng mga pulis at militar na nasa kustodiya nila ang pamilya.
Kinundena ng Karapatan-Sorsogon ang matinding paglabag sa karapatang-tao na ito ng mga pulis at sundalo. Anang grupo, “ngayong ang buong Sambayanan ay nagluluksa sa mga Sakripisyo at Kamatayan ni Hesus, nakikiisa tayo sa dinaranas na sakripisyo ng buong pamilya ni Gilberto sa kamay ng mga ahente ng estado na dumukot at patuloy na nagtatago sa kanila.”
Nananawagan ang pamilya ng mga biktima at mga organisasyon na nagtataguyod ng karapatang-tao na agad silang ilitaw. Hinimok nila ang Commission on Human Rights Bicol na kagyat na tumugon sa pangangailangan ng pamilyang Tolentino.