Balita

Isinampang kasong finance terrorism laban sa lider-manggagawa sa Cordillera, kinundena

Mariin kinundena ng Kilusang Mayo Uno-Cordillera ang pagsasampa ng gawa-gawang reklamo laban sa tagapagsalita nitong si Mike Cabangon. Kinundena din nito ang rehimeng Marcos, ang mga pulis at kasapakat nito sa pagtapak ng karapatang-tao sa porma ng mga terror law na kanilang instrumento sa pagpapatahamik sa lehitimong panawagan ng mga manggagawa.

Noong Pebrero 15, nakatanggap si Cabangon ng isang complaint na isinampa laban sa kanya ng PNP-Crime Investigation Detection Group – Regional Force Unit 14 (PNP-CIDG-RFU14) para diumano sa dalawang insidente ng paglabag sa Section 8 ng Republic Act No. 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012).

Si Cabangon ang ika-12 progresibong indibidwal sa Northern Luzon na sinampahan ng gawa-gawang reklamo kaugnay ng terrorism financing. Anang KMU-Cordillera, bahagi ito ng desperadong tangka ng rehimeng Marcos na matanggal sa “grey list” ng Financial Action Task Force.

Si Cabangon ay isang manggagawa na nagsusulong sa karapatan ng kapwa niya mga manggagawa, ng maralitang mga komunidad, at sektor ng transportasyon sa lunsod ng Baguio at sa buong rehiyon, ayon sa KMU-Cordillera.

“Bulok na taktika ng estado ang pagsasampa ng ganitong tipo ng gawa-gawang kaso upang ipamukhang masama ang paglaban para sa kagalingan at karapatan ng mga manggagawa,” pahayag naman ng pambansang upisina ng KMU.

Panawagan ng KMU ang pagbubuklod ng lahat ng mga manggagawa sa Cordillera at sa buong bansa na magbuklod at labanan ang panggigipit at iba pang atake ng estado sa kanilang hanay. “Makatwiran ang lumaban para sa sahod, trabaho, at karapatan,” anito.

AB: Isinampang kasong finance terrorism laban sa lider-manggagawa sa Cordillera, kinundena