Itinatayong missile storage sa Lapu-Lapu City, kinundena ng mga kabataan
Binatikos ng Anakbayan ang itinatayong missile storage facility ng rehimeng Marcos sa Naval Base Rafael Ramos sa Barangay Looc, Lapu-Lapu City, Cebu na sinimulan noon pang Pebrero. Muling naging usap-usapan ang pasilidad kasunod ng mga pangambang posibleng maging target ng pag-atake ang pasilidad na magsasapanganib sa sibilyang mamamayan.
Ang pasilidad ay itinatayo ng Department of National Defense (DND) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng batbat-sa-korapsyong programang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS). Sinasabing naglaan ng hindi bababa sa ₱9 milyon ang rehimen para sa proyekto.
Dagdag ang pasilidad sa dati nang pangamba sa seguridad na dulot ng EDCA site ng US na nasa Benito Ebuen Air Base sa syudad. Sa katunayan, noong Enero lamang ay binuksan dito ang isang bagong fuel storage facility ng militar para sa mga operasyon ng Philippine Air Force (PAF) at ng US Pacific Air Forces sa bansa.
Ayon sa Anakbayan, ang mga pasilidad na ito ay malinaw na banta sa mamamayan at soberanya ng Pilipinas. “Nagtatayo ng mga imprastrukturang militar ang rehimeng US-Marcos Jr upang gawing war staging ground ng imperyalistang US ang Pilipinas sa rehiyon, at hindi para sa depensahan ang bansa,” ayon sa grupo.
Liban sa mga ito, maraming ibang pasilidad pa sa bansa ang itinuturing na mga base militar at pasilidad ng US. Kabilang dito ang mga deklaradong EDCA site (siyam) at maraming iba pang sikretong base sa bansa na nagiging magnet ng pag-atake ng katunggaling imperyalistang China. Pinaiinit ring lalo ng mga war games ng US sa Pilipinas ang tensyon.
“Hindi kapayapaan at proteksyon ang dulot ng ganitong mga pasilidad kundi direktang banta sa buhay ng mamamayan. Nakikipagsabwatan at nagpapakatuta si Marcos Jr sa US upang inabante ang geopolitical agenda ng US sa rehiyon kapalit proteksyon at suporta ng amo nyang imperyalista upang manatili siya sa poder,” ayon sa Anakbayan.
Nanawagan ang grupo sa mga kapwa kabataan at Pilipno na itulak ang pagpapaalis sa mga base at pasilidad na ito ng US sa bansa, pagwakas sa mga hindi pantay na kasunduang militar sa US, at pagpapalayas ng tropang Amerikano sa teritoryo ng Pilipinas.