Itinutulak na iskemang "opt-out" sa libreng matrikula, ikinabahala ng mga estudyante
Nagpahayag ng pagkabahala ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa pagtutulak ni Sen. Bam Aquino na ipatupad ang iskemang “opt-out” o hindi pagpapabilang sa sarili sa programang libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUC). Itinulak ito ni Aquino sa naging pagdinig para sa pambansang badyet sa 2026 noong Setyembre 27.
Ayon sa NUSP, taliwas ang iskemang ito sa ipinaglaban ng mga estudyante at kabataan sa nagdaang mga dekada na dapat matamasa ng lahat ang libreng edukasyon sa kolehiyo. “Ang iskemang opt-out ay katulad ng socialized tuition scheme (STS) na naging sagka para matamasa ng maraming estudyante ang edukasyon,” ayon pa sa grupo.
Sa ilalim ng STS, na bantog na ipinatupad sa University of the Philippines System, kinakailangang patunayan ng isang estudyante na siya ay mahirap para masaklaw ng programa para sa libreng matrikula. Karaniwan silang pinahihirapan sa mahaba at napakaburukratikong proseso para lamang mapatunayang karapat-dapat.
“Walang sinuman ang nararapat dumaan sa isang napakatagal at hindi makataong proseso para lamang makamit ang libreng matrikula,” pahayag ng NUSP. Dismayado ang grupo dahil pag-atras ang panukalang iskema sa naging tagumpay ng kilusang kabataan-estudyante para sa karapatan sa edukasyon.
Ang iskemang opt-out sa libreng matrikula sa mga SUC ay nakasaad sa ipinasang batas sa libreng matrikula sa kolehiyo (Universal Access to Quality Tertiary Education Act). Sinasabi dito na maaaring bigyan ng “opsyon” ang isang estudyante na huwag pumaloob sa libreng matrikula kung mayroon silang kakayahan na makapagbayad.
Isa sa mga nagpatupad nito ay ang Tarlac State University (TSU), simula noong Hunyo 2024. Ayon sa iskema ng TSU, ang mga ipinailalim sa “opt-out” ay ang mga hindi nakapasok sa kota sa mga kurso at programang gustong kunin ng mga estudyante.
Tugon umano ito ng unibersidad sa dumadaming aplikante na nais makapasok ngunit hindi na masaklaw ng libreng matrikula dahil sa kakulangan sa badyet. Sa ganitong balangkas, hindi pinili ng mga estudyante na huwag pumaloob sa libreng matrikula, kundi tinakdaan silang magbayad ng unibersidad.
Binatikos ito ng konseho ng mga mag-aaral sa unibersidad at ng mga estudyante noong Pebrero. Nakiisa sa laban nila ang NUSP-Tarlac.
“Naninindigan kami na ang kakayahan ng isang tao na magbayad ng matrikula ay hindi dapat maging kundisyon para maka-akses sa edukasyon. Ipinapasa nito ang pasanin ng pagkamit ng edukasyon sa mga mamamayan sa halip na tiyakin ng ating gobyerno na ito ay aksesible,” ayon sa NUSP.
Giit ng grupo, ang edukasyon ay hindi dapat kundisyunal kundi dapat kilalanin ng estado bilang isang karapatan. “At dapat tayong patuloy na lumaban para sa ating karapatan sa edukasyon hanggang magkamit tayo ng higit pang mga tagumpay,” anang unyon.
Tulad ng NUSP, nagpahayag rin ng pagtutol sa mungkahi ni Aquino ang Kabataan Partylist. Ayon sa partido, na kabilang sa mga nagtutulak ng libreng edukasyon sa bansa, napakaraming pondo ng gubyerno na pwedeng ilaan sa edukasyon, laluna anito sa harap ng nalalantad na laganap na korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
“Habulin natin ang mga nagnanakaw ng pondo ng bayan, hindi ang mga estudyante. Wala sa hulog ang pagmungkahi na pagbayarin kahit pa ang mga estudyanteng may kaya habang bilyon-bilyon ang nakokorap at napupunta sa bayad-utang, militarisasyon at iba pang mapanghamak na programa tulad ng NTF-Elcac,” ayon kay Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co.
Ayon kay Co, “simula’t sapul palang tinutulan na ng Kabataan ang pagsingit ng opt-out rule sa batas dahil tingin natin nagbibigay daan pa rin ito ng paniningil ng matrikula. Pwede gawing katwiran ang rule na ito para lalong pabayaan ang mga SUC at kaltasan ang kanilang pondo. Bulnerable ito sa abuso.”
Dagdag pa ng kinatawan ng mga kabataan sa Kongreso, sa katunayan ay hindi lamang dapat matrikula ang ibinibigay ng libre sa mga estudyante kundi ang iba pang mga kinakailangang serbisyo sa pag-aaral tulad ng abot-kayang dorm, pagkain at pasilidad sa mga kampus.