Jeepney phaseout, iniraratsada ng ADB at mga Duterte sa Davao

,

Habang pansamantalang naipagpaliban ang pakanang jeepney phaseout sa Metro Manila, todo na itong ipatutupad sa Davao City. Noong Hunyo 29, pormal nang ibinigay ng Asian Development Bank ang $1 bilyon utang para sa Davao Public Transport Modernization Project, isang proyektong mag-aangkat ng 1,100 bus na magiging pamalit sa mga tradisyunal na dyip.

Ginamit ng ADB na dahilan ang kunwa’y pagbabawas ng carbon emission para makabenta ng mga dayuhang bus, kabilang ang mga electric bus (e-bus). Sa ngalan ng modernisasyon, tatanggalan ng prangkisa ang tradisyual na mga dyip sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga ruta nito mula 120 tungong 30. Kokopohin ng mga “modernong bus,” ang matitirang mga ruta kung saan itatayo ang 1,000 bus stop. Ang mga bus ay patatakbuhin ng mga korporasyon, na maggagawad ng mga kontrata sa mga tsuper.

Sa aktwal, ang programang ito ay lokal na bersyon ng jeepney modernization program, na inilako at itinulak ng dating presidente na si Rodrigo Duterte, ama ng kasalukuyang meyor ng syudad na si Sebastian Duterte. Sinimulan ang proyekto noong meyor pa ng syudad si Sara Duterte.

Tulad sa pambansang programa, papatayin ng proyekto ang kabuhayan ng drayber ng dyip. Hindi bababa sa 7,000 drayber sa Davao City and mawawalan ng hanapbuhay. Walang pupuntahan ang halos 6,000 drayber dahil mahigit 1,000 lamang na bus ang patatakbuhin sa ilalim nito. Mawawalan din ng prangkisa ang maliliit na opereytor dahil wala silang kakayahang bumuo ng mga kooperatiba o bumili ng mamamahaling modernong bus.

AB: Jeepney phaseout, iniraratsada ng ADB at mga Duterte sa Davao