Kabahayan sa Ormoc City, ipinademolis ng lokal na gubyerno
Tinawag na “walang pakinabang” at “walang puso” ng mga residente ang lokal na gubyerno ng Ormoc City, Leyte na pinamumunuan ni Lucy Torres-Gomez matapos nitong ipademolis ang 81 kabahayan sa Purok Dahlia at Purok Rosal sa Barangay Cogon noong Abril 8. Kabilang sa mga sinira ang mga bahay na may titulo at daantaon nang nakatirik sa lugar.
Labis na nagalit ang mga residente sa pagpapalayas sa kanila sa gitna ng kasalukuyang krisis sa ekonomya. Itinakwil rin nila ang alok ng lokal na gubyerno na ₱24,000 na kumpensasyon at temporaryong relokasyon. Lubha silang dismayado sa kawalan ng maayos na proseso at dayalogo sa lokal na gubyerno.
Isinagawa ang demolisyon upang bigyang daan ang pagpapatayo ng ₱20-milyong gusali ng lokal na gubyerno na bahagi ng pinaplano nitong “complex.” Paggigiit ni Torres-Gomez, ligal nang nakuha ng gubyerno ang ekta-ektaryang lupa sa harapan ng city hall, alinsunod diumano sa desisyon ng Court of Appeals noong 1979.
Pinasinungalingan naman ito ng mga residente, na nagsabing taun-taon silang nagbabayad ng real estate tax para sa kanilang mga lote hanggang ngayong taon. Ayon pa sa mga residente, walang paliwanag na lamang na tumigil ang lokal na gubyerno ng Ormoc City na tanggapin ang pagbabayad nila ng buwis bilang paghahanda sa demolisyon. Kinukwestyon din nila kung bakit ipinagpatuloy ang operasyon samantalang may nakabimbin pa silang petition for injunction sa korte.
__
May mga ulat mula sa Larab.